Senado

Badyet ng DTI binusisi sa Senado

307 Views

PINANGUNAHAN ni Senadora Imee Marcos ang pagdinig ng Senate Finance Subcommittee I kamakailan lamang, upang busisiin ang panukalang ₱12.4-bilyong badyet ng Department of Trade and Industry (DTI) at mga kaakibat nitong ahensya at korporasyon para sa taong 2026.

Kabilang sa sentrong usapin ang ipinatutupad nang 19% taripa ng Estados Unidos sa ilang produktong Pilipino at ang banta ng posibleng 100% taripa sa mga elektronikong produkto—isang hakbanging maaaring makasira sa pangunahing sektor ng eksport ng bansa.

Tinanong ni Marcos si Trade and Industry Secretary Maria Cristina Aldeguer-Roque tungkol sa mga hakbang ng pamahalaan upang maprotektahan ang mga industriya at manggagawa. “Kung matutuloy ang 100 percent tariff, ano ang ginagawa natin para hindi tuluyang mapinsala ang ating electronics sector?,” tanong ni Marcos, na binigyang-diin na dapat maging maagap ang DTI sa pagharap sa mga pagbabago sa pandaigdigang kalakalan.

Kinumpirma ni Roque na umiiral na ang 19% taripa ng Estados Unidos sa ilang kategorya ng produkto, ngunit nilinaw niyang ang 100% taripa ay nananatiling panukala pa lamang. Ayon sa kanya, nakikipag-ugnayan ang DTI sa Department of Foreign Affairs (DFA) at mga embahada upang umapela at ipagtanggol ang interes ng mga Pilipinong eksportador. “Umaapela tayo at nililinaw ang ating posisyon,” pahayag ni Roque, at idinagdag na parehong diplomasya at teknikal na paraan ang ginagamit ng pamahalaan.

Pinuna rin ni Marcos ang kakulangan sa malinaw na resulta ng Foreign Trade Service Corps (FTSC) at ang paggasta ng mga tanggapan nito sa ibang bansa. Binigyang-diin niya na dapat masukat kung epektibo ba ang mga ito sa pag-akit ng mamumuhunan at pagpapalawak ng merkado ng mga produktong Pilipino.

Depensa ni Roque, nagsisilbing “unang linya” ng bansa ang FTSC sa promosyon ng pamumuhunan at kalakalan. Dagdag pa niya, patuloy ang koordinasyon ng DTI sa Board of Investments (BOI) at Philippine Economic Zone Authority (PEZA) para sa mga industriyang may mataas na halaga sa ekonomiya.

Tinalakay rin sa pagdinig ang mga isyu sa Shared Service Facilities (SSF) at Negosyo Centers, na tinukoy ng Commission on Audit (COA) dahil sa mga hindi pa naliliquidate na pondo at kakulangan sa paggamit ng ilang pasilidad. Nanawagan si Marcos ng mas mahigpit na pagbabantay upang matiyak na tunay na napapakinabangan ng mga MSMEs ang mga programa ng DTI.

Aminado si Roque sa mga natukoy ng COA at sinabi niyang ipinatutupad na ang mga reporma upang mapabuti ang dokumentasyon at paghahatid ng serbisyo. Inihayag din niya na ginagamit na ang mga bagong digital system upang masubaybayan ang tulong sa MSMEs at masiguro ang transparency sa liquidation.

Bukod sa DTI, tinalakay din ng komite ang mga panukalang pondo ng mga kaakibat na economic at freeport zones para sa 2026: ₱1.096 bilyon para sa Cagayan Economic Zone Authority, ₱354.6 milyon para sa Zamboanga City Special Economic Zone Authority, ₱250 milyon para sa Authority of the Freeport Area of Bataan, ₱500 milyon para sa Subic Bay Metropolitan Authority, at ₱109.2 milyon para sa Philippine Center for Economic Development.

Sa pagtatapos ng pagdinig, binigyang-diin ni Marcos na dapat tiyakin ng DTI na ang bawat pisong pondo ay may konkretong epekto sa mga Pilipinong manggagawa at negosyante. “Hindi tayo puwedeng puro reaksyon; dapat maagap at nakahanda ang ating polisiya sa kalakalan,” aniya.