Kamara

Kamara inaprubahan mga makasaysayang reporma sa edukasyon ng Tingog

417 Views

INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes nitong Lunes sa third at final reading ang dalawang pangunahing panukalang reporma sa edukasyon ― ang House Bill (HB) No. 4744, o ang Private Basic Education Vouchers Assistance Act, at ang HB No. 4745, o ang Last Mile Schools Act ― na kapuwa pangunahing isinulong nina Tingog Party-list Reps. Andrew Julian Romualdez at Jude Acidre.

Pinatitibay ng dalawang panukalang ito ang pangako ng Tingog na gawing mas abot-kaya, patas at inklusibo ang edukasyon para sa bawat Pilipinong mag-aaral.

Ang Private Basic Education Vouchers Assistance Act, isang prayoridad na panukala sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) Common Legislative Agenda, ay nagtataguyod ng isang pambansang voucher program upang matulungan ang mga pamilya na makayanang magpaaral sa pribadong paaralan.

Itinatatag din nito ang Bureau of Private Education sa ilalim ng Department of Education (DepEd) upang pangasiwaan at paigtingin ang assistance programs para sa mga mag-aaral, guro at paaralan.

Ina-update rin ng panukala ang Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE) Act, o Republic Act No. 8545, upang palakasin ang papel ng mga pribadong paaralan bilang katuwang sa pagbawas ng classroom congestion at pagpapalawak ng access sa dekalidad na edukasyon.

Samantala, ang Last Mile Schools Act ay naglalayong tugunan ang kakulangan sa imprastruktura, kung saan libu-libong bata sa mga liblib at mahihirap na komunidad ang napag-iiwanan dahil walang maaasahang access sa edukasyon.

Itinataguyod ng panukala ang isang five-year nationwide program upang matiyak na ang mga paaralan sa geographically isolated, disadvantaged and conflict-affected areas (GIDCA) ay may sapat na pasilidad at connectivity upang makapagbigay ng dekalidad na pampublikong edukasyon.

Inaatasan nito ang DepEd na makipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Energy (DOE), National Electrification Administration (NEA), at Department of Information and Communications Technology (DICT) upang magpatayo ng mga silid-aralan, ayusin ang mga daan, at palawakin ang serbisyo ng kuryente at internet sa mga last-mile na lugar.

“Education should never be a matter of privilege or proximity. Through the Private Basic Education Vouchers Assistance Act and the Last Mile Schools Act, we are making sure that learning opportunities reach every Filipino learner ― whether in private school classrooms or in the most remote barangays,” sinabi ng Tingog sa isang statement.

“These reforms affirm our belief that education is both a right and a responsibility shared by all, and that no child should ever be left behind simply because of circumstance,” pahayag ng Tingog.

Binigyang-diin ng Tingog na ang pagpasa ng mga panukalang ito ay nagpapakita ng pagkakaisa ng Kongreso at ng pambansang pamahalaan sa pagsusulong ng edukasyon bilang haligi ng kaunlaran.

Muling pinagtibay ng party-list ang pangako nitong isulong ang mga polisiya na nagpapalawak ng oportunidad sa pagkatuto, nagpapalakas ng pamamahala sa edukasyon, at tinitiyak na walang Pilipinong mag-aaral ang maiiwan.