Calendar
Bam hiniling na muling pagpulungin PROTECT Committee para sa Super El Niño
HINILING ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino kay Senate President Sherwin Gatchalian na muling pagpulungin ang PROTECT Committee ng Senado para pag-isahin ang paghahanda ng pamahalaan sa “Super El Niño.”
Ayon kay Aquino, maaaring magdala ito ng dry spell at tagtuyot hanggang sa unang kalahati ng 2027.
Ayon sa senador, maaaring bumaba ang antas ng pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Posible rin umanong lumala ang epekto nito pagsapit ng huling bahagi ng 2026.
Tinaya umano ng PAGASA na may 81% tsansang magkaroon ng very strong El Niño mula Oktubre 2026 hanggang Enero 2027.
“May I respectfully request the reconvening of the Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee to assess and align government preparations,” ani Aquino sa kanyang liham kay Gatchalian.
Kabilang sa mga tinukoy ng senador ang posibleng pagtaas ng singil sa kuryente.
“Ngayong may mga ulat nang tataas ang presyo ng kuryente, kailangan tukuyin kung ano ang gagawin natin para masiguro ang supply at tuluyang maibaba ang singil sa ating mga kababayan?” tanong ni Aquino.
Nais din niyang ilahad ng Department of Agriculture (DA) ang plano nito para suportahan ang mga magsasaka at mangingisda laban sa tagtuyot, at matiyak ang sapat, matatag at abot-kayang supply ng pagkain.
Ayon kay Aquino, dapat ding maglatag ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) ng mga hakbang para protektahan ang mga estudyante at guro mula sa matinding init. Kailangan din umanong matiyak na tuloy ang pag-aaral sakaling maantala o makansela ang klase.
Sinabi rin niya na dapat patuloy na tulungan ng pamahalaan ang mga barangay at komunidad na maaaring kapusin sa tubig. Dapat din umanong ihanda ng Department of Health (DOH) ang mga ospital at health center sa posibleng pagdami ng heat-related illnesses.
Nanawagan din siya sa Department of Trade and Industry (DTI) na maghanda ng tulong sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs), lalo na sa mga negosyong nakabatay sa agrikultura.
Maaari umanong humarap ang mga ito sa pagkaantala ng operasyon, mas mataas na gastos sa input at kakulangan sa supply.
“Alamin natin kung anong mga agarang ayuda at tulong ang maibibigay sa mga maliliit na negosyo, magsasaka, mangingisda, at mga manggagawang maaapektuhan nito,” ani Aquino.
Dapat din umanong tiyakin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang tuloy-tuloy na serbisyo ng komunikasyon. Ang Department of Science and Technology (DOST) naman ay dapat magbigay ng pinakabagong scientific data, forecast, early-warning information at teknolohikal na solusyon sa mga ahensya at lokal na komunidad.
Pinamumunuan ni Gatchalian ang PROTECT Committee, na binuo ng Senado noong Marso 2026 para bumalangkas ng pambansang tugon sa epekto ng gulo sa Middle East sa supply ng langis at ekonomiya ng bansa.
