Web Source: PNP file photo

Banta ng dark web sa kabataan labanan

320 Views

IGINIIT ni Sen. Sherwin Gatchalian na dapat maglaan ng pondo ang pamahalaan upang maprotektahan ang mga kabataan laban sa mga panganib ng ‘dark web.’

Binigyang-linaw ng senador na dumarami ang mga kabataang nagiging biktima ng mga iligal na aktibidad online at ipinahayag na ang dark web ay nagsisilbing pamilihan ng child pornography, ipinagbabawal na gamot, armas at sugal.

Iminungkahi ni Sen. Gatchalian, chairman ng Senate committee on finance, na itulak ang karagdagang pondo sa pagtalakay ng badyet ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), isa sa mga attached agencies ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Ayon kay CICC acting executive director Atty. Renato Paraiso, kahit may kakayahan silang makapasok sa dark web, hindi pa rin nila magawa ang 24/7 monitoring dahil sa kakulangan ng pondo. Ipinaliwanag niya na ang taunang subscription para sa isang monitoring database ay nagkakahalaga ng P150 milyon hanggang P200 milyon.

“Ang pinag-uusapan dito ay ang proteksyon ng ating mga kabataan. Dapat may sapat na teknolohiya at kakayahan ang gobyerno upang makapasok sa dark web at mahuli ang mga nagpapakalat at bumibili ng mga ilegal at malalaswang materyales,” ani Gatchalian.

Binigyang-diin pa niya na ang mabilis na aksyon sa pamumuhunan ng teknolohiya at kapasidad ay mahalaga upang matiyak ang seguridad ng mga kabataan.