Barbers1

Barbers: Impeachment trial ‘di dapat maapektuhan ng pagdalaw ni VP Sara kay Jinggoy, Marcoleta

Mar Rodriguez Aug 7, 2026
49 Views

IGINIGIIT ni House prosecution spokesperson-impeachment adviser Robert Ace Barbers na hindi dapat maapektuhan ang Senate impeachment trial sa pagbisita ni Vice President Sara Z. Duterte sa mga kaibigan niyang senador na nakakulong.

Malaya si VP Duterte na dalawin ang kanyang mga kaibigang sina Sens. Rodante Marcoleta at Jose “Jinggoy” Estrada ngunit hindi dapat makaapekto ang mga pagbisitang ito sa obligasyon ng mga senator-judges na manatiling patas sa pagdinig ng impeachment case laban sa kanya, ayon kay Barbers.

Ipinaliwanag ng Bise Presidente ang kanyang pagbisita kina Marcoleta at Estrada na wala siyang nakikitang mali sa dahil kaibigan niya ang 2 persons deprived of liberty.

Nilinaw naman ng prosecution panel na wala silang alegasyong may naganap na hindi angkop na pag-uusap o tangkang impluwensiyahan ang impeachment trial sa naturang mga pagbisita.

Ayon kay Barbers, mananatili silang nakatuon sa kanilang mga ebidensiya at hindi magbibigay ng haka-haka tungkol sa mga pribadong usapang wala silang direktang kaalaman.

“Buo ang aming kumpiyansa sa aming mga ebidensiya,” ani Barbers.

May karapatan ang publiko na suriin ang mga ugnayang pampulitika, ang paraan ng pagtatanong sa paglilitis at kung nananatili ang kinakailangang pagiging patas ng mga kalahok.

Ayon kay Barbers, bagama’t walang mali sa pagdalaw ng Bise Presidente sa kanyang mga kaibigan sa piitan, mahalagang mapanatili ang pagiging independiyente ng Impeachment Court.

“Karapatan ng kahit sino na bisitahin ang kanilang kaibigan kung ito ay nasa loob ng piitan. Hindi ito ang pangunahing isyu at hindi rin nito naaapektuhan ang usapin,” ani Barbers.

Binigyang-diin nito na sina Marcoleta at Estrada ay mga halal na senador na maaaring magkaroon ng papel sa magiging pinal na komposisyon ng Impeachment Court sakaling makalahok sila sa paglilitis.

Muling nanawagan si Barbers sa lahat ng senator-judges na ibatay lamang ang kanilang magiging pasya sa mga ebidensiyang ihaharap at sa umiiral na batas.

“Pinaaalalahanan natin ang mga senator-judges na manatiling impartial,” ani Barbers.

Ang pinakamahalagang tanong sa impeachment trial ay kung sapat ang mga ebidensiya upang patunayan ang mga Articles of Impeachment at hindi kung sino ang dinadalaw ni VP Duterte habang nagpapatuloy ang paglilitis.