Dy

Lumahok sa proseso ng paggawa ng batas–Speaker Dy sa mga Pinoy

Mar Rodriguez Aug 7, 2026
47 Views

HINIKAYAT ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang mga Pilipino na makilahok sa proseso ng paggawa ng batas.

Ayon sa House Speaker, ang pinakamahusay na batas ay nabubuo hindi lamang ng mga mambabatas kundi sa pakikipagtulungan sa mga mamamayang kanilang pinaglilingkuran.

Ang programa ng konsultasyong isinasagawa sa iba’t-bang panig ng bansa ay sumasalamin sa hangarin ng Kamara na magkaroon ng isang mas bukas, mas inklusibo at mas nakatuon sa mamamayan na “Bagong Kongreso.”

“Mga kababayan, naniniwala po tayo na ang bawat makabuluhang batas ay nagsisimula sa isang importanteng tinig ang tinig ng sambayanang Pilipino,” pahayag ni Dy.

Matapos ang paglulunsad ng “LegisHear” sa Isabela noong Hulyo 31, isinagawa ang ikalawang LegisHear sa Caraga State University sa Butuan City sa pangunguna ni Butuan City Rep. Jose “Joboy” S. Aquino II.

Sa naturang konsultasyon, hinihingan ng opinyon ang publiko hinggil sa House Bill No. 4744 o ang panukalang Basic Education Voucher Assistance Act at House Bill No. 8470 na naglalayong i-upgrade ang Butuan Medical Center upang maging Butuan General Hospital.

Kabilang din sa programa ang orientation tungkol sa proseso ng paggawa ng batas, talakayan sa House Bill No. 9305 o ang KALINGA Bill at mga focus group discussion upang makuha ang pananaw ng publiko hinggil sa kalidad ng mga serbisyong ibinibigay ng pamahalaan.

Bahagi ang LegisHear ng layunin ng Kamara na baguhin ang paraan ng pakikipag-ugnayan nito sa mamamayan.

“Ito po ang aming paraan ng pagbuo ng isang Bagong Kongreso—hindi lamang bagong pamunuan o mga bagong programa, kundi isang Kongresong may bagong pamantayan ng paglilingkod: mas bukas, may integridad, may malasakit, at naniniwalang ang pinakamahusay na mga batas ay nabubuo kasama ang mamamayan,” sabi ni Speaker Dy.

Binigyang-diin din ng Speaker na hindi makakamit ng mga mambabatas lamang ang tunay na reporma kung wala ang aktibong pakikilahok ng publiko.

Hinimok niya ang publiko, mga lokal na pamahalaan, mga ahensya ng gobyerno, civil society organizations, akademya, at iba pang sektor na makiisa sa LegisHear upang sama-samang makabuo ng mga batas na tunay na tumutugon sa pangangailangan ng bansa.

“Sa Bagong Kongreso, naniniwala tayo na ang bawat batas ay mahalaga at ang bawat isa sa atin ay mahalagang bahagi ng pagbuo nito,” ayon kay Speaker Dy.

Nauna nang sinabi ni House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil na ang konsultasyon sa Butuan ay bahagi ng layunin ni Speaker Dy na matiyak na ang mga panukalang batas ay mahuhubog batay sa tinig ng karaniwang mamamayan bago ito umabot sa huling yugto ng proseso ng lehislasyon.