Barbers

SDOs kasangkapan lang sa maling paggamit ng confi funds–Barbers

Mar Rodriguez Aug 7, 2026
50 Views

IGINIGIIT ni House prosecution team spokesperson-impeachment trial adviser Robert Ace Barbers na ang mga Special Disbursing Officers (SDOs) ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) ay nagsagawa lamang ng mga tungkuling ipinagkatiwala sa kanila at hindi maaaring ihiwalay ang pananagutan ng pinuno ng ahensya sa usapin ng umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds.

“Oo, ang head of the agency ang nagtatalaga sa mga SDO tulad nina Fajarda at Acosta. Pero para sa akin, sila ay mga kasangkapan lamang,” ani Barbers.

Tinutukoy ni Barbers sina Gina Acosta, dating SDO ng OVP, at Edward Fajarda, dating SDO ng DepEd, na siyang nag-withdraw ng P500 milyon at P112.5 milyon, ayon sa pagkakasunod, na ngayon ay sentro ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ang tungkulin ng mga SDO ay ang maglabas ng pondo batay sa awtoridad na ipinagkaloob ng pinuno ng ahensya at tiyaking ang mga ito ay magagamit lamang sa mga layuning pinahihintulutan ng “Joint Circular No. 2015-01”.

“Sila ang nagdi-disburse ng pondo at may awtoridad mula sa head of the agency upang tiyakin na ito ay magagamit nang maayos at para lamang sa mga gastusing pinahihintulutan ng Joint Circular,” paliwanag ni Barbers.

Ang mga lagda ng pinuno ng ahensya sa mga dokumentong isinumite sa Commission on Audit (COA) ay nagpapatunay na hindi maaaring ilipat lamang sa mga nakabababang opisyal ang pananagutan.

Ang pahayag ni Barbers ay kasunod ng komento ni Palace Press Officer Claire Castro na kumwestiyon sa pananaw na ang mga SDO lamang ang dapat managot sa mga kinukuwestiyong paggamit ng confidential funds.

Sa ilalim ng Article I ng Articles of Impeachment, kabilang sa mga isyu ang umano’y maling paggamit ng P500 milyong confidential funds ng OVP mula sa ikaapat na quarter ng 2022 hanggang ikatlong quarter ng 2023 at P112.5 milyon ng DepEd noong unang tatlong quarter ng 2023 habang si Duterte ang Kalihim ng Edukasyon.

Ang pahayag ni Barbers ay umaayon din sa naging testimonya ni Commission on Audit State Auditor Roderick Wamil na nagsabing ayon sa Government Auditing Code at Joint Circular No. 2015-01, ang head of the agency ang may pananagutan sa paggamit at liquidation ng confidential at intelligence funds.