Martin1

Romualdez walang kinalaman sa pagbawi ng salaysay ng Maleta Boys

Mar Rodriguez Aug 7, 2026
46 Views

MARIING itinanggi ni dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ang alegasyong na siya ang nasa likod ng pagbawi ng mga salaysay ng ilang dating Marine na sangkot sa kontrobersiyang “Maleta Boys.”

Walang katotohanan ang akusasyon ng Office of the Ombudsman na siya ang nag-udyok o may kinalaman sa ginawang pagbawi ng mga dating bodyguard o dating Marine.

“Ang akusasyon ng Ombudsman na ako ang nasa likod ng pagbawi ng mga salaysay ng mga dating Marine ay hindi totoo,” pahayag ni Romualdez.

Ayon pa kay Romualdez, ang naturang alegasyon ay nagpapakita lamang ng umano’y pagkiling laban sa kanya.

Sinabi rin ng kongresista na ang pagbawi ng mga salaysay ng mga dating Marine ay lalo lamang nagpapatibay sa kanyang matagal nang paninindigan na gawa-gawa lamang ang mga paratang laban sa kanya.

“Pinatutunayan ng kanilang pagbawi ang matagal ko nang sinasabi na ang mga akusasyon laban sa akin ay pawang kasinungalingan at gawa-gawa lamang,” aniya.

“Hindi ganito ang patas na paghahanap ng katotohanan.”

Iginiit ni Romualdez na hindi siya magpapatinag at haharapin niya ang lahat ng paratang sa pamamagitan ng mga katotohanan at ebidensiya.

“Hindi ako magpapasindak. Haharapin ko ang bawat akusasyon laban sa akin at ipagtatanggol ko ang aking sarili gamit ang mga katotohanan, ebidensiya, at ang katotohanan,” pagtatapos ni Romualdez.