Calendar
House prosecution panel adviser at spokesperson Robert “Ace” Barbers
Barbers tinutulan mas maikling impeachment trial
DAPAT iharap ng prosekusyon ang lahat ng apat na artikulo ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte sa halip na paikliin ang paglilitis matapos ang yugto ng confidential funds, ayon sa tagapayo ng House panel sa impeachment.
Tinanggihan noong Lunes ni House prosecution panel adviser at spokesperson at dating Surigao del Norte Rep. Robert “Ace” Barbers ang mga mungkahing sapat na ang ebidensiya ng mga tagausig upang humingi ng hatol nang hindi na tinatapos ang natitirang bahagi ng kanilang kaso.
“Ako personally, sa tingin ko, mas magandang mailatag lahat yung apat na articles,” sabi ni Barbers.
Saklaw ng kasong impeachment na inaprubahan ng House ang mga alegasyong may kinalaman sa maling paggamit at iregular na liquidation ng confidential funds ng OVP at DepEd, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol sa DepEd, at umano’y mga banta ni Duterte laban kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Iginiit ni Barbers na ang pagkumpleto sa paglalahad ng kaso ay sasagot din sa mga tagasuporta ni Duterte na patuloy na inilalarawan ang mga paglilitis bilang udyok ng pulitika.
“Kasi maraming nagsasabi na ito ay isang pamumulitika, which we vehemently, of course, deny,” sabi ni Barbers.
“Bakit? May ebidensya eh,” dagdag niya.
Ipinunto ni Barbers na nakasalig ang kaso ng prosekusyon sa ebidensyang sumusuporta sa bawat isa sa mga artikulo sa halip na sa mga tsismis o pampulitikang haka-haka.
“Lahat itong articles na ito, itong apat na inilatag ng ating prosecution panel ay hindi ito haka-haka o hindi ito marites lamang dahil ito ay supportado ng mga ebidensya kagaya ng mga ipinapakita natin ngayon, kagaya ng inilalatag ngayon,” diin niya.
Itinuro niya ang ebidensyang naiharap na tungkol sa umano’y mga banta ni Duterte bilang halimbawa kung bakit dapat dinggin ang buong kaso.
“Kung natatandaan nyo, yung first article, yung grave threats and inciting to sedition, very clear. Yung paglatag natin ng ebidensya, in fact, hindi dineny ng kabilang panig yung ebidensyang ginamit dito sa article na ito,” sabi ni Barbers.
Sinabi ni Barbers na ang bahagi tungkol sa confidential funds na kasalukuyang dinidinig ng impeachment court ay naglalaman din ng dokumentaryong ebidensya na dapat isaalang-alang kasama ng mga natitirang alegasyon.
“Dito naman sa kasalukuyang article na tinatalakay natin ngayon, very glaring yung nakikita nating documentary evidence na inilalatag ng prosecution,” sabi niya.
“Kasi hindi mabubuo yung litrato pag kulang yung puzzle o kulang yung piece. Kaya dapat para sa akin i-diretso buuin natin yung apat na articles,” diin ni Barbers.
