Calendar
Pamamaril sa Ateneo de Zamboanga imbestigahan – Senado
HUMILING ang mga senador ng imbestigasyon matapos ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University junior high school na, batay sa mga paunang ulat, ikinasawi ng dalawang estudyante at ikinasugat ng iba pa.
Nanawagan si Senate President Sherwin Gatchalian ng masusing imbestigasyon, partikular kung paano nakakuha ng dalawang baril ang hinihinalang namaril at kung paano naipasok ang mga ito sa loob ng paaralan.
Hiniling din niya sa Department of Education at lokal na pamahalaan ng Zamboanga na magbigay ng psychosocial support sa mga apektadong estudyante at kawani ng paaralan.
Batay sa ulat galing kay Sen. Mark Villar, nangyari ang pamamaril bandang alas-8:30 ng umaga sa loob ng paaralan.
Dalawang estudyante ang nasawi, kabilang ang hinihinalang namaril, habang dalawa pa ang iniulat na nasugatan.
“Hindi na natin maaaring hintayin na may masaktan o mawalan ng buhay bago tayo kumilos,” sabi ni Villar.
Muli niyang isinusulong ang Senate Bill No. 2321, o LIGTAS Act, na naglalayong magtatag ng balangkas para sa kaligtasan at seguridad ng mga institusyon ng basic education.
Kabilang sa panukala ang mga sistema para sa threat assessment at pag-uulat, koordinasyon ng mga paaralan at law enforcement agencies, emergency-response protocols, pagbibigay-alam sa mga magulang, first-aid preparedness, emergency drills at crisis counseling.
Sinabi ni Sen. Joel Villanueva na pinag-aaralan ng mga mambabatas ang posibleng batas upang higpitan ang gun-control rules at itaguyod ang responsableng pagmamay-ari, pagtatago at ligtas na paggamit ng mga baril.
Binanggit din niya ang panukalang SMART Kids Act, o Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces Act, na naglalayong magpatupad ng mas mahigpit na proteksyon laban sa mapaminsalang online content at practices na maaaring maglagay sa mga bata sa panganib.
Nakiramay si Sen. Bam Aquino sa mga pamilya ng mga nasawi at sa komunidad ng paaralan.
“Nakadudurog ng puso ang mabalitaan ang nangyaring karahasan sa Zamboanga kaninang umaga,” Aquino said.
