Calendar
Baril, gamit sa iligal na droga nakuha sa lalaki sa Lipa


KAMPO HENERAL MALVAR, Lungsod ng Batangas –Arestado noong Sabado ang isang lalake sa isinagawang search warrant ng mga kapulisan sa kanyang tinitirhan sa Barangay Sampaguita West, Lipa, Batangas.
Ang suspek ay kinilalang si alyas Onin, 41, walang trabaho , at naninirahan sa Amos St., sa nabanggit na lugar.
Ang operasyon, ayon kay Batangas police director PCol. Oliver Ebora ay isinagawa sa bisa ng isang search warrant na inisyu ng Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 83, ng Tanauan City, Batangas noong Agosto 7, 2026.
Nakakumpiska ang mga awtoridad ng caliber 9mm na pistola, magasin na naglalaman ng 16 na piraso ng bala, tatlong kahon ng bala na may lamang 258 ng basyo ng caliber .45 at ilan pang mga bala at mga drug paraphernalia.
Ang search warrant ay isinagawa nang maayos at nasaksihan ng suspek, mga barangay kagawad, kinatawan ng media at kagamitan sa pagre-record ang ginamit din sa operasyon.
Ang suspek ay wastong naipaalam tungkol sa mga karapatang konstitusyonal at kasalukuyang nasa kustodiya ng Batangas PPO.
Ang mga kaukulang dokumento para sa paglabag sa Republic Act No 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Republic Act No 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ay inihahanda na para sa pagsasampa ng angkop na kaso laban sa suspek sa tanggapan ng piskal.

