Rosario

BARILAN SA ROSARIO, 3 TIMBOG

152 Views

Rosario1Rosario2

ROSARIO, Batangas — Kalaboso ang tatlong lalaki matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya na rumesponde sa sumbong tungkol sa away-pamilya at indiscriminate firing sa Purok 7, Barangay Natu nitong Lunes ng gabi, Setyembre 22, 2026, ayon sa report kay Batangas police director PCol. Oliver Ebora.

Walang nasugatan o namatay sa magkabilang panig sa kabila ng mainit na palitan ng putok.

Kinilala ni PLt.Col. Mark Anthony R. Aningalan, hepe ng pulisya ng Rosario, ang mga naarestong suspek na sina Calvin, 34, residente ng naturang bayan; Michael, 32; at Travis, 19, pawang mga farmhand.

Batay sa ulat, bandang alas-7:40 ng gabi nang humingi ng saklolo ang barangay chairman sa mga awtoridad dahil sa nag-iinit na away-pamilya ng mga suspek na noon ay nag-iinuman.

Pagdating ng mga awtoridad, sinalubong na sila ng sunod-sunod na putok ng baril ng mga suspek.

Dahil sa banta sa buhay, napilitang gumanti ng putok ang mga rumespondeng pulis na sina PMSg Jefferson Latag, PMSg Bernardo Garcia, PSSg Mcmoriel Ramos Guinto, at PCpl Jonald Recto Orense.

Matapos ang ilang minutong tensyon at palitan ng putok, namagitan ang mga opisyal ng barangay at nakipag-usap ang mga suspek na nagdesisyong sumuko.

Nakuha sa eksena ang tatlong Caliber .45 na pistola, apat na basyo ng bala, limang piraso ng aktibong bala at tatlong magazine para sa Cal. .45.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek at nahaharap sa kaukulang patong-patong na kaso.