Pampanga Source: File photo

Bgy captai patay, isa pa sugatan sa pamamaril sa Pampanga

Bernard Galang Nov 25, 2025
609 Views

Masantol, Pampanga — Isang barangay captain ang napatay habang isa pa ang nasugatan sa pamamaril na naganap noong Martes sa Barangay Alauli sa bayang ito.

Sa ulat kay PRO 3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., kinilala ng Pampanga police ang napatay na si Jinqui Quiambao, 43, biyudo, at kasalukuyang barangay captain ng Balibago, Masantol. Nasugatan naman si Enrique A. Yamat, 54, ang barangay captain ng Nigui, Masantol.

Ayon sa paunang ulat, naganap ang insidente matapos umuwi ang dalawang biktima mula sa munisipyo.

Base sa imbestigasyon, katatapos lamang nina Quiambao at Yamat ng kanilang transaksyon sa municipal hall sa Barangay San Nicolas at pauwi na sana nang mangyari ang insidente.

Pagdating sa Barangay Alauli at paglabas ng kanilang sasakyan, biglang sumulpot ang dalawang hindi pa nakikilalang armadong lalaki at pinaputukan sila.

Nagtamo ng maraming tama ng bala si Quiambao at agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.

Si Yamat naman, na tinamaan ng ligaw na bala, ay mabilis ding naisugod sa pagamutan at kalaunan ay inilipat sa José B. Lingad Memorial Regional Hospital (JBL) sa Lungsod ng San Fernando para sa karagdagang gamutan.

Mabilis na tumakas ang mga salarin patungo sa dike area ng Barangay Batasan, Macabebe, dahilan upang magsagawa ng manhunt operation ang pulisya.

Patuloy ang follow-up investigation upang matukoy ang pagkakakilanlan at posibleng motibo ng dalawang gunman.

Nanawagan din ang mga awtoridad sa publiko para sa anumang impormasyon na maaaring makatulong sa mabilis na pagkakahuli ng mga suspek.