Calendar
P800K shabu nasamsam sa Nueva Ecija
ARESTADO ang dalawang pinaghihinalaang tulak sa Nueva Ecija noong Martes at nasamsam sa kanila ang mahigit P800,000 na halaga ng shabu at isang hindi rehistradong baril.
Sa ulat kay Police Regional Office-3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., nakilala ang 2 suspek na sina alyas Jas, 23; at Tony, 34.
Naaresto ang dalawa ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Science City of Muñoz police, ayon sa report.
Nasamsam sa unang suspek ang 60 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P408,000, marked money, cellphone, sling bag, at motorsiklong gamit sa transaksyon.
Samantala, sa Sto. Domingo, naaresto si alyas Tony sa Brgy. Malaya na may pag-iingat na 60 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P408,000, isang cal .38 revolver at limang bala.
Nasa kustodiya na ng Nueva Ecija police ang dalawang suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

