Bangkay

Suspek sumuko matapos makita bangkay ng ‘napatay’

Edd Reyes Nov 25, 2025
435 Views

SUMUKO sa pulisya ang suspek na nakapatay sa 32-anyos na helper matapos madiskubre ang nangangamoy nang bangkay ng biktima, Lunes ng gabi sa Trece Martires City sa lalawigan ng Cavite.

Sa pahayag ng 47-anyos na suspek na si alyas “Edward” sa pulisya, sinita niya ang biktimang residente ng Barangay Gregorio nang mapansin niyang pagala-gala sa loob ng kanilang compound sa Brgy. Conchu noong Sabado ng alas-9:30 ng gabi.

Sa halip na tumugon nang maayos, bumunot umano ng baril ang biktima at itinutok sa kanya na dahilan para sunggaban niya ang armas at nang maagaw, pinutukan niya ng dalawang ulit ang lalaki, na nagawa pang makatakbong palayo.

Natakot umano ang suspek kaya’t itinapon niya ang baril at humingi ng tulong sa naka-duty na security guard ng compound na si alyas “Randy” para hanapin nila ang biktima, subalit bigo silang makita ang lalaki.

Gayunman, Lunes ng ala-1 ng hapon nang mabalitaan niya na nag-report sa pulisya si alyas “Grace” hinggil sa nawawala niyang live-in partner kaya’t ipinasiya na niyang sumuko sa pulisya at ipinabatid ang nagawang pamamaril sa bikima.

Natunton ang nagsisimula nang maagnas na bangkay ng biktima na may tama ng bala sa dibdib Lunes ng alas-7:45 ng gabi sa CayDeal Motorpool sa labas ng bakod ng naturang compound, dahil sa masangsang na amoy na nagmumula rito.