Calendar
BI inaresto Russian vlogger na nagbantang magkalat ng HIV sa PH
INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) Fugitive Search Unit (FSU) ang isang 21-taong gulang na Russian vlogger na naging viral sa social media matapos magbanta na sadyang magpapakalat ng HIV habang nasa Pilipinas.
Ang pag-aresto ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na tiyakin na ang mga dayuhang lumalapastangan sa mabuting pakikitungo ng bansa at naglalagay sa panganib ang kaligtasan ng publiko ay mananagot sa ilalim ng batas ng Pilipinas.
Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang banyagang suspek na si Nikita Chekhov, na inaresto sa loob ng isang condominium building sa Quezon City.
Dumating si Chekhov sa bansa bilang turista noong Enero 15.
Makalipas lamang ang ilang araw, nag-upload siya ng mga video na kinunan sa Bonifacio High Street sa Taguig, kung saan nagbigay siya ng nakababahalang pahayag na magpapakalat umano ng HIV sa kanyang pananatili sa Pilipinas.
Ang mga naturang video—na pinaniniwalaang ginawa bilang “rage bait” content—ay nagdulot ng matinding pangamba sa mga residente at online users.
Ang pag-aresto kay Chekhov ay kasunod ng deportasyon sa Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy dahil sa mga hindi kanais-nais na gawain sa Bonifacio Global City, at ng pag-aresto sa Estonian YouTuber na si Siim Roosipuu na idineklarang persona non grata sa Dumaguete City matapos mag-post ng mga bastos na nilalaman na kinasasangkutan ang mga menor de edad.
Si Chekhov ay tubong Taganrog, Rostov Oblast, Russia, at dumating sa Pilipinas mula Shanghai, China. Wala siyang kilalang kamag-anak sa bansa.
“Ang mga tinatawag na rage-bait videos ay walang pakundangang nagdudulot ng takot at pangamba sa publiko,” ani Viado. “Ang mga dayuhan na pumupunta sa Pilipinas upang maghasik ng alarma, bastusin ang ating mamamayan, o abusuhin ang ating pakikipagkapwa ay hindi welcome at tiyak na ide-deport.”
Si Chekhov ay kasalukuyang nakadetine sa pasilidad ng BI habang isinasagawa ang deportation proceedings, katulad ng mga hakbang na ginawa laban sa ibang mga dayuhan na nagsagawa ng hindi kanais-nais na gawain sa bansa.
Dagdag pa ni Viado, nakipag-ugnayan na rin ang BI sa Department of Health kaugnay ng naturang kaso.

