Calendar
Larawan: BJMP Baguio City Jail Female Dormitory/FB
BJMP sa Baguio,nagpaalala: ‘Hindi po hotel ang kulungan’
Kinaaliwan ng netizens ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Baguio City Jail Female Dormitory matapos nitong ibahagi ang isang nakatutuwang Messenger conversation na nagpapaalala na hindi hotel ang kanilang pasilidad.
Sa screenshot na ibinahagi ng BJMP, nagtanong ang isang netizen kung mayroon pang “available units” sa kanilang pasilidad.
Agad namang sumagot ang administrator ng pahina ng, “Ma’am, kulungan ng mga babae po dito.”
Matapos ang palitan ng mensahe, humingi naman ng paumanhin ang netizen at sinabing, “Ay sorry po.”
Ayon sa BJMP, ginawa ang naturang post bilang pagbibigay-katuwaan ngayong weekend, kasabay ng paalala na ang kanilang pangunahing tungkulin ay tiyakin ang ligtas, maayos at malinis na pangangalaga sa mga persons deprived of liberty (PDLs).
“Gayunpaman, patuloy naming pinagsisikapan na maging safe, secure, at sanitary ang aming mga pasilidad upang matiyak ang maayos na makataong pangangalaga sa ating mga PDL, alinsunod sa mandato ng BJMP,” ayon sa ahensya.

