DHSUD

DHSUD pinalalawak akses ng pamilya sa sariling lupa

Jun I Legaspi Jul 24, 2026
94 Views

DHSUD1PINALALAWAK ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang akses ng mga pamilya sa ligtas na pagmamay-ari ng lupa sa pamamagitan ng Enhanced Community Mortgage Program (ECMP), isa sa mekanismo sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa unang taon ng pagpapatupad, 47 ECMP projects ang naaprubahan ng Social Housing Finance Corporation (SHFC), ang shelter agency ng DHSUD, na naglaan ng mahigit P870.6 milyon para sa land acquisition loan assistance na nakinabang ang higit sa 8,100 pamilyang Pilipino.

Itinatag ang ECMP bilang modality ng Expanded 4PH Program sa pamumuno ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling noong 2025.

Sa kasalukuyan, 25 komunidad na ang nakatanggap ng tulong na direktang nakinabang ang mahigit 4,000 miyembro upang makumpleto ang pagbili ng kani-kanilang mga lupang tinitirhan.

Ayon kay Aliling, ang mga tagumpay na ito ay patunay ng patuloy na pagtupad ng administrasyong Marcos sa pangakong gawing abot-kamay ang pangarap ng bawat Pilipino na magkaroon ng sariling tahanan.

“Malinaw ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing abot-kamay ng bawat pamilyang Pilipino ang pangarap na magkaroon ng sariling tahanan,” ani Aliling.

Binigyang-diin ng kalihim na bawat ECMP project ay hakbang tungo sa permanenteng pagmamay-ari ng lupa at katuwang sa mas malawak na layunin ng pamahalaan na bumuo ng mas ligtas, inklusibo at sustenableng mga komunidad.

Kabilang sa mga pinakabagong proyekto ang apat na homeowners’ associations sa Palawan, Camarines Norte at Isabela, na higit pang nagpapalawak sa saklaw ng flagship housing program ng pamahalaan sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Nakatuon ang ahensiya sa pagpapatuloy ng ECMP at iba pang modalities ng Expanded 4PH alinsunod sa bisyon ni Pangulong Marcos Jr.