Bodega

Bodega na puno ng raw materials ng yosi pinasok ng mga parak

Bernard Galang Feb 13, 2026
385 Views

SAN FERNANDO CITY, Pampanga–Nabuko ng mga pulis ang illicit business activity nang tumambad sa kanila noong Miyerkules sa Mexico, Pampanga.

Nadiskubre ang mga pinaghihinalaang raw materials na ginagamit sa paggawa ng sigarilyo sa inspeksyon sa bodega ng Red Sandstone Integrated sa Brgy. San Jose Malino, Mexico, Pampanga.

Isinagawa ang inspeksiyon upang tiyakin ang pagsunod ng establisimyento sa umiiral na mga rekisito sa business permit at masiguro na walang ilegal na aktibidad na isinasagawa sa loob ng lugar.

Pagdating sa lugar, pinapasok ang grupo ng tagapangasiwa ng bodega. Sa isinagawang inspeksiyon, napansin ng mga awtoridad ang ilang malalaking karton at sako na nakaimbak sa bodega.

May ilang kahon at sako na nakaselyo habang ang iba naman ay bukas na.

Batay sa paunang pagsusuri, ang mga laman nito ay mga hilaw na materyales na pinaniniwalaang gagamitin sa paggawa ng sigarilyo.

Idinokumento ng inspection team ang mga natagpuang item para sa tamang disposisyon at nakipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensiya ng gobyerno para sa karagdagang beripikasyon.