Kano

CIDG inaresto 61-anyos na Amerikano na wanted sa US dahil sa sex crimes

Alfred Dalizon Dec 23, 2025
195 Views

ARESTADO ang 61-anyos na Amerikanong wanted sa United States dahil sa sexual offenses, ayon kay Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Major General Robert Alexander A. Morico II nitong Martes.

Sinabi ng opisyal na ang suspek na nakilala lamang bilang “Green,” na tubong California, USA, ay naaresto sa loob ng Tambuli Tower sa Tambuli Seaside Resort sa Mactan, Cebu, batay sa Mission Order for Undesirability ng Bureau of Immigration (BI).

Ang BI order ay kaugnay ng arrest warrant na inilabas laban sa suspek ng US District Court noong Disyembre 4, para sa kasong transportation with the intent to engage in criminal sexual activity, at engaging in illicit sexual conduct in foreign places.

Sinabi ni Morico na inaresto ng mga tauhan ng CIDG Lapu-Lapu City Field Unit at BI Fugitive Section Unit ang akusado bandang alas-4 ng hapon noong nakaraang Huwebes.

Agad siyang isinailalim sa kustodiya ng BI para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.

Pinuri ng CIDG director ang hepe ng CIDG Regional Field Unit 7 na pinamumunuan ni Colonel Christopher M. Bermudez at ang kanilang Lapu-Lapu field unit sa ilalim ni Major Michael Rat G. Cañete sa matagumpay na pag-aresto sa wanted na dayuhan.