Hontiveros1

Constantino: ₱125M cash withdrawal ng OVP, kauna-unahan sa aking 32 taong serbisyo

Mar Rodriguez Jul 29, 2026
140 Views

INIHAYAG ng retiradong branch manager ng Land Bank of the Philippines (LandBank) na si Violeta Constantino sa Senate Impeachment Court na ang pag-withdraw ng Office of the Vice President (OVP) ng ₱125 milyon na salapi ay ang kauna-unahang transaksyon ng ganoong kalaking halaga na kanyang nasaksihan sa loob ng 32 taon niyang panunungkulan sa bangko.

Sa pagtatanong ni Senator-judge Risa Hontiveros, sinabi ni Constantino na kakaiba ang naturang transaksyon hindi lamang dahil sa laki ng halagang sangkot, kundi dahil ang buong halaga ay winithdraw sa anyong pisikal na salapi (cash).

“Sabi n’yo nga kanina, unusual ‘yung amount. First time ay ganyang amount na 125 million pesos,” ani Hontiveros.

Ipinaliwanag ni Constantino na karaniwang gumagamit ang mga ahensya ng gobyerno at iba pang institusyon ng tseke sa kanilang mga disbursement sa halip na mag-withdraw ng ganoon kalaking halaga ng cash.

“Usually po kasi kaya naging unusual para sa akin kasi cash po siyang nakuha. Sa other, kung baga nag-i-issue po sila ng mga cheque sa disbursement po nila. By checks po, hindi po cash,” patotoo ni Constantino.

Binigyang-diin ni Hontiveros na dalawang bagay ang naging pambihira sa naturang transaksyon.

“So hindi lang ‘yung laki ng halaga na 125 million ang unusual, unusual din na ‘yung ganyang unusual amount ay sa cash kinuha at hindi sa mga cheke,” aniya.

Tinanong din ng senador kung sa anong halaga maituturing na hindi pangkaraniwan ang isang cash withdrawal para sa isang kliyente.

“Let’s say kung over, let’s say 500,000 na po siya,” sagot ni Constantino.

Tinukoy ni Hontiveros na ang ₱125 milyong withdrawal ng OVP ay hindi lamang lumampas sa halagang iyon kundi 250 beses na mas malaki.

“E ito hindi lang 500,000, 125 million. So 250 times more unusual sa minimum amount na sasabihing unusual kung kinuha in cash,” ani Hontiveros.

Nilinaw naman ni Constantino na nakadepende rin sa nakasanayang transaksyon ng isang kliyente kung maituturing na kakaiba ang isang withdrawal. Aniya, kung regular na nagsasagawa ng malalaking transaksyon ang isang depositor, maaari itong ituring na normal.

“Depende po rin sa kliyente po,” aniya.

Gayunman, inamin niyang ang naturang withdrawal ng OVP ang unang pagkakataon na nakaranas ang kanilang sangay ng ganoon kalaking cash transaction.

“Pero kung parang for the first time ma-encounter namin that much, unusual po,” pahayag ni Constantino.

Muling binigyang-diin ni Hontiveros na sa mahigit tatlong dekada ng serbisyo ni Constantino sa pagbabangko ay ngayon lamang siya nakaranas ng kahalintulad na cash withdrawal.

“And this was your first time? And in your 32 years, hindi na three dekada, kung masasabi nating pambihirang amount ito in cash, masasabi nating once in a lifetime yung ganyang amount in cash,” ani Hontiveros.

“Depende po. Pwede,” tugon ni Constantino.

Batay sa tala, nagsagawa ang Office of the Vice President ng apat na magkakahiwalay na cash withdrawal na tig-₱125 milyon sa pamamagitan ng dating Special Disbursing Officer na si Gina Acosta mula Disyembre 2022 hanggang Hulyo 2023. Umabot sa kabuuang ₱500 milyon ng pondong mula sa National Treasury ang na-convert sa pisikal na salapi.

Inamin na rin ng kampo ng depensa na tunay ang apat na tseke ng LandBank na nakapangalan kay Acosta at siya mismo ang nag-encash bilang special disbursing officer ng OVP.

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Constantino na personal niyang pinangasiwaan ang mga transaksyon sa LandBank Shaw Boulevard Branch.