Calendar
Conviction ng van operator babala sa mga nagpapatakbo ng colorum na sasakyan
PINURI ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang hatol laban sa isang van operator sa Antique na nahuling nagpapatakbo ng colorum na sasakyan.
Ayon kay Asec. Mendoza, ang hatol ay bunga ng pinaigting na kampanya laban sa mga colorum na sasakyan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos, Jr. na habulin ang mga lumalabag at naglalagay sa panganib sa kaligtasan sa kalsada, isang kampanyang kasalukuyang pinangungunahan ni Acting DOTr Secretary Giovanni Z. Lopez.
“Kami ay natutuwa ang aming pinaghirapan mula sa mga operasyon, sa case build-up hanggang sa pagtutok sa kaso upang matiyak na maparusahan ang mga operator at driver ng mga colorum na sasakyan,” ani Asec. Mendoza.
Batay sa desisyon ng isang regional trial court sa Iloilo City, ang operator mismo ang nagmamaneho ng van nang ito ay mahuli noong Hunyo ng nakaraang taon sa National Highway sa San Nicolas, Oton, malapit sa Mohon Terminal.
Napansin ng mga awtoridad ang isang dispatcher na nag-aalok at nagtatawag ng mga pasahero upang sumakay sa Hiace, at nakita rin ang aktwal na pagsakay ng mga pasahero.
Ayon sa rekord ng korte, isang poseur passenger ang pumara sa van at matapos sundin ang standard operating procedures, nadiskubre ng enforcement team na nakarehistro ito bilang pribadong sasakyan ngunit naniningil ng pamasahe mula ₱160 pataas depende sa destinasyon—nang walang Certificate of Public Convenience mula sa LTFRB.
Ang operator, na siya ring may-ari at driver ng van, ay inisyuhan ng Temporary Operator’s Permit sa mismong lugar, agad inaresto, binasa ang kanyang mga karapatan, at dinala sa pulisya ng Oton.
Pinuri rin ni Asec. Mendoza si LTO Region 6 Regional Director Atty. Gaudioso P. Geduspan II dahil sa tuloy-tuloy at agresibong kampanya laban sa mga colorum na sasakyan.
Mula nang maupo bilang pinuno ng LTO, binigyang-diin ni Asec. Mendoza na ang kampanya kontra-colorum ay kabilang sa mga pangunahing prayoridad hindi lamang dahil sa usapin ng kaligtasan, kundi bilang tugon na rin sa mga reklamo ng mga lehitimong transport groups na nawawalan umano ng halos 30% ng kanilang arawang kita dahil sa operasyon ng colorum.
“Bukod sa hindi tiyak ang roadworthiness ng mga colorum na sasakyan na ito, wala din itong insurance system na tiyak na magiging problema sa mga pasahero kung sakaling magkaroon ng aksidente sa kalsada,” dagdag ni Asec. Mendoza.
Aniya, ang hatol na ito ay nagsisilbing malinaw na mensahe sa mga colorum operators at drivers na sumunod sa tamang proseso upang maiwasan ang ganitong klase ng problema.
Noong nakaraang taon, naglabas ng direktiba si Asec. Mendoza na kahit mabayaran ang multa, ang mga colorum na sasakyan ay maaari lamang mailabas sa pamamagitan ng court order. Ang parusa laban sa colorum ay maaaring umaabot hanggang ₱1 milyon.

