Bam

Sen. Bam gustong panagutin mga tiwaling contractor

314 Views

UMAPELA si Senator Paolo Benigno “Bam” Aquino na magsampa ng mga kaso ng bid-rigging sa ilalim ng Philippine Competition Act (PCA) laban sa mga umano’y tiwaling contractor na sangkot sa maanomalyang flood-control projects, at iginiit na ito ang magiging paraan para mapanagot sila at mabawi ang bilyun-bilyong pisong pera ng bayan.

Binigyang-diin ni Aquino na ang bid rigging ay may katapat na parusang ₱100 milyon hanggang ₱250 milyon bawat offense ayon sa PCA. Ang pahayag ay ginawa matapos aminin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na naganap umano ang bid rigging, at sinabing posibleng umabot sa trilyong piso ang nalugi dahil sa ghost at substandard flood control projects.

“Sa Philippine Competition Act, meron pong mga provision po diyan tsaka penalties for bid rigging. Iyong penalty po diyan is 100 to 250 million pesos per offense,” wika ni Aquino, principal sponsor ng Republic Act No. 10667 o ang PCA. Dagdag pa niya, kasinghalaga ng pagpapakulong sa mga sangkot ang pagbabalik ng pera ng taumbayan.

Ipinaliwanag ni Aquino na may kapangyarihan ang Philippine Competition Commission (PCC) na magsagawa ng motu proprio investigation sa mga posibleng paglabag sa PCA. Batay sa substantial evidence, maaaring pagmultahin ng hanggang ₱250 milyon ang mga contractor na umano’y nakiisa sa bid manipulation, kabilang ang sa mga kasong pag-ulit ng paglabag.

“The PCC can file based on an administrative complaint, fines on those engaged in bid rigging. A fine of P100 million to P250 million per instance. Kung 600 ang kontrata natin, that 600 times P100 million or P250 million, aabot ka ng P150 billion in fines. And you only need substantial evidence, not evidence beyond reasonable because this is administrative,” ani Aquino.

“I suggest that the executive talk to the Philippine Competition Commission, simulan nila iyong kanilang motu proprio investigation at piyansahan na natin iyong mga contractor na may mga ghost project para ma-recover natin iyong pera,” dagdag pa niya.

Tiniyak naman ni Dizon na susuportahan ang mungkahing ito. “Tayo’y makikipag-usap kay Chairman Mike Aguinaldo ng PCC at sa kanyang team para maumpisahan natin agad ito,” wika niya.

Nilinaw rin ni Aquino na hiwalay ang mga posibleng kaso sa PCC sa mga kasong kriminal at administratibo na maaaring isampa laban sa umano’y tiwaling contractors.