Calendar
PANANAMBANG – Ang pinangyarihan ng pananambang sa national highway sa Midsayap, North Cotabato, umaga ng Martes.
Photo ni Gobi Tamsi ng Midsayap/PNA
Councilor, mister sugatan, 2 patay sa ambush sa North Cotabato
MIDSAYAP, North Cotabato – SUGATAN ang isang babaeng konsehal ng bayan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at ang kanyang asawa matapos silang tambangan, kung saan nasawi ang dalawang tao at nasugat ang isa pang residente nitong Martes, ayon sa pulisya.
Kinilala ni Lt. Col. Oliver Pauya, hepe ng municipal police station, ang dalawang nasawi na sina Udin Dalgan, 31, mula sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte; at Rahib Wahab, 35, isang drayber ng traysikel at residente ng Barangay Sambulawan, Kadayangan, Special Geographic Area (SGA-BARMM).
Nasugatan naman sina Kadayangan Municipal Councilor Saida Endaila, ang kanyang asawang si Madron Endaila Jr. na 48-anyos na retiradong sundalo, at si Lani Yusop, 20, na pawang taga-Kadayangan.
“Except for Wahab, all other victims were on a black Toyota Fortuner (NDC 3579), driven by Yusop from Kadayangan town to Midsayap town center, traveling along the national highway in Barangay Salunayan, Midsayap, when gunmen in a white minivan opened fire around 8:45 a.m.,” ayon kay Pauya sa isang panayam.
Idineklarang dead on arrival sa ospital si Dalgan, habang si Wahab ay agad na nasawi sa pinangyarihan matapos tamaan ng ligaw na bala.
Tinitingnan ng pulisya ang personal na alitan o “rido” (family feud) bilang posibleng motibo sa pananambang.
Matapos ang insidente, tumakas ang mga salarin sakay ng kanilang sasakyan patungong Brgy. Malingao, Kadayangan, SGA-BARMM.
Patuloy ang isinasagawang pursuit operation laban sa mga salarin. Philippine News Agency

