Koreano

Dahil sa pandaraya, Koreano tiklo

Jun I Legaspi Mar 5, 2026
183 Views

INARESTO ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) ng Bureau of Immigration (BI) ang Koreano na may kasong pandaraya noong Marso 4 sa Brgy. Niyugan, Laurel, Batangas.

Kinilala ang dayuhan na si Kim Yong Cheol, 62, na naaresto dahil sa paggamit umano niya ng mga fake IDs upang magsagawa ng mga mapanlinlang na gawain.

Gumagamit umano ang suspek ng pekeng pagkakakilanlang Filipino na sinusuportahan ng mga peke at nilikhang dokumento mula sa civil registry at pasaporte ng Pilipinas.

Ibinahagi ng mga awtoridad sa Korea na noong 2009, niloko umano ni Kim ang ilang biktima sa pamamagitan ng pagpapanggap na ang kanyang kompanya ay nakabase sa Pilipinas at nagpapatakbo ng gaming firm, travel agency, at online shopping platform.

Nag-aalok umano ang suspek ng kita mula 250% hanggang 450% depende sa halaga ng puhunan. Sa pamamagitan ng naturang modus, nakalikom siya ng mahigit KRW 1 bilyon mula sa mga biktima.

Batay sa rekord ng BI, dumating si Kim sa Pilipinas noong 2009 bilang pansamantalang bisita subalit walang naitalang aplikasyon para sa pagpapalawig ng pananatili sa bansa.

Si Kim ay kasalukuyang nasa kustodiya ng BI at isasailalim sa deportation proceedings.