Calendar
Dating Gov. Garcia kinilala ng PCL
BINIGYAN ng pagkilala ng Philippine Councilors League (PCL) 2026 National Congress sa World Trade Center ang yumaong governor at congressman ng Bataan na si Tet Garcia noong Marso 4.
Ang pagkilala ay tinanggap ni Gov. Joet Garcia, Balanga Vice Mayor Francis Garcia, mga konsehal at iba pang mga lingkod-bayan sa Bataan sa unang araw ng PCL 2026 National Congress at 1st Quarterly Continuing Local Legislative Education Program sa World Trade Center, Pasay City.
Matatandaan na si Gov. Tet Garcia, na naging congressman ng matagal na panahon, ang siyang nakipaglaban hanggang sa Supreme Court upang maitayo sa Bataan ang petrochemical plant.
Siya rin ang nakipaglaban sa Mandanas-Garcia law na nagbibigay ng malaking buwis sa mga local government units.
Anak ng yumaong Garcia sina Gov. Joet Garcia, Congressman Abet Garcia (2nd district); Congresswoman Gila Garcia (3rd district) at Vice mayor Francis Garcia ng Balanga City.
“Taos-pusong pasasalamat po sa Philippine Councilors League (PCL) sa paggawad ng isang Special Plaque of Appreciation kay dating Gov. at Cong. Tet Garcia para sa kanyang mahalagang kontribusyon sa pagwawasto nang hatian ng buwis sa pagitan ng pamahalaang nasyonal at mga yunit pamahalaang lokal,” sabi ni Gov. Joet Garcia.
Matatandaan na ipinaglaban nina Gov. Tet at Batangas Vice Gov. Dodo Mandanas sa Korte Suprema upang matiyak na nakukuha ng mga probinsya, lungsod at bayan ang tamang pondo mula sa pamahalaang nasyonal na nakasaad sa Konstitusyon.
Dahil sa kanilang paninindigan ay mas napabilis ang paghahatid ng mga yunit pamahalaang lokal ng mga serbisyo publiko.

