Extortion Ang pag-aresto sa extortion/robbery suspek ng mga ahente ng NBI sa Albay.

Dating konsehal laglag sa extortion

Jon-jon Reyes Aug 11, 2025
265 Views

NATIMBOG ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Agosto 8 ang dating konsehal sa Tiwi, Albay dahil sa umano’y pangingikil sa isang quarry operator kapalit ng pagproseso ng Ore Transport Permit (OTP).

Kinilala ni NBI Director Jaime Santiago ang dating pulitiko na si alyas John na nahaharap ngayon sa paglabag sa anti-graft and corrupt practices act at robbery/extortion

Nahuli ang suspek sa operasyon ng NBI sa Legazpi at Naga matapos makatanggap ng reklamo mula sa isang quarry operator hinggil sa sunud-sunod na pangingikil ng dating konsehal.

Batay sa report, nagaganap ang pangingikil sa pamamagitan umano ng middleman na si alyas Tope mula sa Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO).

Hiningan umano ng P320,000 ang complainant/operator upang mapabilis ang OTP na kailangan para sa quarry operations, ayon sa report.

Ayon sa NBI, kapag hindi umano nagbigay ang complainant ng hinihinging halaga maantala ang release ng kanyang OTP.

Hindi natuloy ang naunang entrapment matapos i-reschedule ng suspek ang transaksyon.

Pero noong Agosto 8, tagumpay ang operasyon matapos makumpirma na ang abutan ng bayad ay itutuloy.

Nang iabot ng complainant ang marked money sa suspek, doon na siya inaresto ng mga NBI agents sa BGC Aggregates compound.

Narekober ng NBI ang limang genuine P1,000 bills at P315,000 ‘boodle money’ mula sa suspek kasama ang kanyang cellphone.