Dayuhan

Dayuhang investors may katiyakan sa 99-taong lease

312 Views

DAHIL sa kawalang katiyakan para sa mga foreign investors na gusto magnegosyo sa Pilipinas, binigyang-diin ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang kahalagahan ng reasonable na trato sa pamamagitan ng pag-aakda ng mga tamang batas.

Ayon kay Escudero, matagal nang inirereklamo ng mga dayuhang investor ang patakaran sa pagmamay-ari ng lupa ng mga hindi Pilipino.

Sinabi niya na hindi maglalagak ng kapital ang mga negosyante sa mga bansang may hindi tiyak at pabagu-bagong batas at regulasyon.

Ito ang dahilan kung bakit malaking hakbang ang pagsasabatas ng pagpapahaba ng land lease terms mula 75 hanggang 99 na taon upang magbigay ng katiyakan at tiwala sa mga mamumuhunan.

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Setyembre 3 ang batas na nag-aamyenda sa Republic Act No. 7652 o Investors’ Lease Act of 1993. Si Escudero ang pangunahing may-akda ng panukala sa ika-19 Kongreso na layong ipakita sa mga investor na may kasiguruhan at katatagan sa ligal na kapaligiran ng kanilang pamumuhunan sa bansa.

“Mahalaga ang pagmamay-ari ng lupa sa pagdedesisyon kung saan ilalagak ang puhunan. Walang kumpanyang maglalabas ng malaking halaga para lamang mapaalis matapos ang maikling lease,” ayon sa senador.

Kahit lamang ang Pilipinas dahil sa English-speaking workforce, at masisipag na tao, mawawalan ng saysay ang lahat kung walang katiyakan ang kapaligiran ng negosyo.

Itinatadhana ng batas na dapat gamitin ang inuupahang lupa para lamang sa aprubadong investment.

Kapag hindi nasimulan ang proyekto sa loob ng tatlong taon mula sa pagpirma sa lease, maaaring bawiin ang mga benepisyo.

Maaaring i-renew ang lease kung magkasundo ang magkabilang panig, at hindi maaaring atakehin o baguhin ang rehistradong lease maliban sa direktang proseso sa ilalim ng batas.

Maliban kung ipinagbabawal, maaaring mag-sublease ang lessee ng may pahintulot ng lessor. Ngunit ang mga paglabag—gaya ng lease na lalampas sa 99 taon, paggamit sa layuning labag sa batas, o kontratang sasakop sa lupang lampas sa aprubadong sukat—ay magiging walang bisa.

Maaaring pagmultahin ng P1 milyon hanggang P10 milyon o makulong ng anim na buwan hanggang anim na taon, ayon sa pagpapasya ng hukuman, ang parehong panig.