Sec. Maria Antonia Yulo Loyzaga DENR Sec. Maria Antonia Yulo Loyzaga

DENR nanawagan na protektahan nesting site ng critically endangered na pagong

Cory Martinez Jun 13, 2024
107 Views

MULING nanawagan ng suporta ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa publiko na protektahan ang nesting site ng isang critically endangered leatherback turtle (Dermochelys coriacea) sa may coastal town ng Sta. Ana sa Cagayan province.

Isinagawa ito ni DENR Sec. Maria Antonia Yulo Loyzaga kasabay ng pagdiriwang ng World Oceans Day kamakailan.

Kasabay nito, inatasan ni Loyzaga si DENR Cagayan Valley Regional Executive Director Gwendolyn Bambalan na tiyakin ang mahigpit na pagbabantay sa naturang nesting site sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga tauhan na nagmomonitor dito bente-kuwatro oras.

Nangitlog ang isang babaeng leatherback turtle sa baybayin ng Brgy. Centro ng Sta. Ana at bumalik ito sa dagat matapos mangitlog. Nilagyan na ng mga residents ng net ang naturang lugar. Umaabot sa 200 sentimetrong haba at 100 sentimetrong lapad ang carapace or karapatso ng naturang pagong.

Ayon kay Loyzaga, mahalaga ang mga leatherback at iba pang sea turtles sa pagpapanatili ng malusog na seagrass bed at coral reef, na kritikal na tirahan ng mga yamang dagat at nakakatulong din sa pagbabawas ng epekto ng climate change sa pamamagitan ng pag-absorb ng carbon dioxide.

Sa kanyang pagbisita kamakailan sa Sta. Ana noong Pebrero, inanunsyo ni Loyzaga ang pagtatayo ng isang marine scientific research station sa naturang bayan na kung saan ang Palaui Island Protected Landscape and Seascape ay matatagpuan. Mapapalakas ng naturang pasilidad ang pagmo-monitor at proteksyon sa coastal at marine resources kabilang na ang mga sea turtles.

“Isa ang Sta Ana sa anim na project site sa bansa para sa pagpapatayo ng marine scientific research station upang mapaigting pa ang ocean science at resource management at ang pagpapaunlad ng estratehiya. We would like this to be a center of knowledge, global best practice and education for all like-minded countries and communities,” ani ni Loyzaga.

Paliwanag pa ni Loyzaga na nakikipag-ugnayan din ang DENR sa University of the Philippines Marine Science Institute para magsagawa ng mga pag-aaral na maaaring gamitin para mapaunlad pa ang pagsisikap ng pamahalaan sa konserbasyon ng biodiversity,climate action at disaster risk reduction.

Idineklara ng International Union for the Conservation of Nature na critically endangered ang mga leatherback turtle sa ilalim nge Red List of Threatened Species.

Ang Pilipinas ay itinuturing na tahanan ng may limang marine turtle species at ang mga leatherback turtle ang pinakamalaki. Umaabot sa 320 hanggang 600 kilo ang bigat ng isang matandang pagong at nangingitlog nang may 60 hanggang 120 na itlog.

Samantala, mahigpit namang imo-monitor ng DENR office sa Aparri ang nesting site sa loob ng 75 araw para sa hatchling emergence. Magsasagawa din surveillance sa mga kalapit na baybayin upang malaman kung may mga potential na nesting area.

Bibigyan din ng notice ang mga establisyemento at resort na malapit sa nesting site upang mabigyan ng kaukulang kamalayan at mahingi ang kanilang kooperasyon sa conservation effort.