Driver

Driver utas sa pasahero

Gil Aman Dec 19, 2025
355 Views

PATAY ang drayber ng pampasaherong bus na binaril sa likod ng ulo ng nagkunwaring pasahero sa Marcos Highway malapit sa kanto ng Padilla, Barangay San Isidro, Antipolo City, madaling araw ng Disyembre 19.

Sa mismong loob ng bus nasawi ang biktima na kinilalang si alyas “Jefferson” na nasa hustong gulang at residente ng Sitio Mahogany, Brgy. Bagong Nayon, Antipolo City.

Ayon sa pulisya, isang tama ng hindi mabatid na kalibre ng bala ang tumama sa likod ng ulo ng biktima matapos patraydor na barilin ng hindi kilalang suspek.

Bago nangyari ang pamamaril, ayon sa salaysay ng isang saksi, pinara ang bus ng suspek sa pinangyarihan ng krimen dakong alas-2:50 ng madaling araw.

Idinagdag ng saksi sa pulisya na nagtanong pa ang suspek sa drayber kung magkano ang pamasahe patungo sa Cubao kung saan sinagot ito ng P88.

Matapos sagutin saka binunot ang baril sa likod ng baywang at pinutukan ang biktima.

Ayon sa pulisya, nang makababa ang suspek mula sa bus, isang kasamang sakay ng motorsiklo ang sumambot saka mabilis na tumakas sa hindi mabatid na lugar.