Quiboloy

DS Khonghun suportado extradition ni Quiboloy: Walang dapat makatakas sa pananagutan

186 Views

SUPORTADO ni Deputy Speaker at Zambales Rep. Jefferson “Jay” Khonghun ang extradition ni Pastor Apollo Quiboloy sa Estados Unidos at iginiit na hindi dapat protektahan ng Pilipinas ang sinumang inaakusahan ng trafficking at pang-aabuso.

“Trafficking is one of the most heinous crimes. It destroys lives and preys on the weakest among us. Walang sinuman ang dapat makatakas sa pananagutan, lalo na kung usapin ay pang-aabuso sa kababaihan at kabataan,” giit ni Khonghun.

Iginiit niya na ang trafficking ay pandaigdigang krimen na dapat labanan sa pamamagitan ng kooperasyon ng mga bansa, kabilang ang extradition agreement.

Tinukoy ni Khonghun ang United Nations Convention against Transnational Organized Crime o ang Palermo Convention, na niratipikahan ng Pilipinas noong 2002, na nag-uutos sa mga bansang kasapi na papanagutin ang mga lumalabag at tiyakin ang proteksyon ng mga biktima.

“This is not a political issue. Hindi ito tungkol sa kung sino ang akusado. Kapag ang krimen ay kasing bigat ng trafficking, walang ligtas na teritoryo, at walang dapat protektahan,” ayon sa mambabatas.

Dagdag pa niya, ang extradition ay hindi lamang obligasyong legal kundi isang paninindigang moral.

“Extradition is more than a technical process—it is a moral obligation. Ipinapakita nito na handa ang bansa natin na papanagutin ang mga mapang-abuso,” ayon kay Khonghun.

“Kapag kababaihan at kabataan ang biktima, hindi puwedeng may makaligtas dahil lang sa impluwensya o kapangyarihan,” dagdag pa niya.

Nagbabala rin si Khonghun na ang pagtatakip sa mga akusado upang maiwasan ang extradition ay makasisira sa kredibilidad ng bansa.

“If we claim to protect our people but allow traffickers to hide here, then we fail not only our victims but also our international commitments. Dapat malinaw: wala tayong pinapaboran, at wala tayong kinikilalang untouchable,” paliwanag ni Khonghun.

“The Philippines must stand with the global community in eradicating human trafficking. Dapat nating ipakita sa buong mundo—wala tayong ligtas na kanlungan para sa mga inaakusahan ng ganitong kasuklam-suklam na krimen,” dagdag pa ng mambabatas.

Si Quiboloy, na nagpapakilalang “Appointed Son of God” at lider ng Kingdom of Jesus Christ sect, ay wanted sa Estados Unidos dahil sa mga kasong sex trafficking, bulk cash smuggling, at immigration fraud.

Ayon sa mga awtoridad ng Amerika, sangkot si Quiboloy at ang kanyang mga kasamahan sa matagal na trafficking scheme na umabuso sa mga miyembro ng simbahan, kabilang ang mga bata.

Sa Pilipinas, nahaharap din si Quiboloy — na kilalang spiritual adviser at kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte — sa mga kasong human trafficking at child abuse na isinampa ng mga dating miyembro na nag-akusa sa kanya ng sexual exploitation at coercion.

Ayon sa Department of Justice, dapat munang maresolba ang mga nakabinbing kaso ni Quiboloy sa bansa bago umusad ang extradition proceedings sa Estados Unidos.