Erice Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice

Erice: Walang baha pag maling tapon ng basura sa Metro Manila inayos na

366 Views

Erice1NAGBABALA si Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice na mananatili ang pagbaha sa Metro Manila hangga’t hindi naaayos ang solid waste management system na tinawag nitong “worst in the world.”

Sa briefing ng House committee on public accounts na pinamumunuan ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, sinabi ni Erice na halos 1.8 milyong tonelada ng basura bawat taon ang hindi nakokolekta at napupunta sa mga daluyan ng tubig sa Metro Manila.

Binigyang-diin niyang magiging posible lamang ang disiplina ng mga residente kung may maayos na sistema ng pamamahala ng basura.

“Kung 10 square meters lang ang bahay mo at hindi ka nadaanan ng truck ng basura sa loob ng isang linggo, saan mo ilalagay ang basura? Mapipilitan kang itapon ‘yan—sa ilog, sa kalsada—na mauuwi rin sa drainage at, sa huli, sa mga waterways. Kaya problema ito ng sistema,” pahayag ni Erice.

Ayon sa isang pag-aaral noong 2020 ng Bloomberg, sinabi ni Erice na Pilipinas ang may pinakamalaking ambag sa plastic pollution sa dagat, na umabot sa 34.7 porsiyento—pinakamataas sa mundo.

Ayon sa kanya, 11,000 tonelada ng basura ang nalilikha araw-araw sa Metro Manila, ngunit 30–40 porsiyento lamang nito ang nakokolekta. Kahit kalahati lamang, o humigit-kumulang 5,000 tonelada kada araw, ang hindi nakokolekta, aabot pa rin ito sa 1.8 milyong tonelada bawat taon na nauuwi sa mga daluyan ng tubig—basurang kayang makasira sa pumping stations gaano man ito kalakas o katibay.

Ipinunto ni Erice na kakaunti lamang ang kontratistang namamahala sa koleksiyon ng basura sa Metro Manila, at sila rin ang may-ari ng mga dumpsite—isang monopolyo na pumipigil sa patas na kompetisyon at nagpapababa sa kalidad ng serbisyo.

Binatikos din ng mambabatas ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa umano’y 10-taong pagpapahinto ng dredging sa mga daluyan ng tubig dahil sa alegasyon ng katiwalian, na nagresulta sa pag-ipon ng burak at basura na lalo pang nagpabigat sa problema ng pagbaha.

Inilatag ni Erice ang kanyang mga mungkahi para mabawasan ang pagbaha sa Metro Manila. Kabilang dito ang malawakang dredging sa lahat ng daluyan ng tubig, pag-atas sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na obligahin ang mga alkalde na kolektahin ang basura sa waterways, at pagbuwag sa mga istrukturang nakatayo sa ibabaw ng mga daluyan ng tubig.

Ayon sa mambatatas, mapapababa ng mga hakbang na ito ang pagbaha mula tatlong oras hanggang 30 minuto lamang.

Hinikayat din niya ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na buwagin ang monopolyo ng mga landfill contractors at magbukas ng bidding para sa makabagong waste disposal solutions gaya ng waste-to-energy facilities at engineered landfills.

“Magpalabas na kayo ng notice kung sino ang magpo-propose for other forms or other areas for landfill or waste to energy. Sigurado ako maraming negosyante ang papasok diyan. Viable na viable ang waste to energy, viable na viable ang modern landfill, engineered dumpsite,” giit ni Erice.

Sabi pa ni Erice na maaaring magdala ng malinaw na resulta ang kanyang mga panukala sa loob ng isang taon.

“Iyan ang short-term solution para next year hindi puro nagsasalita lang tayo, walang output para sa ating mga mamamayan,” aniya.

Isinagawa ng House committee on public accounts ang ikalawang briefing kasama ang mga opisyal ng DPWH upang repasuhin ang performance ng Unified Project Management Office–Flood Control Cluster at alamin ang update sa mga kasalukuyan at nakaplanong proyekto.

Ang briefing ay bahagi ng tugon ng Kamara, sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na kinondena ang katiwalian, mababang kalidad ng trabaho at mga “ghost” project—mga isyung lalo pang nabunyag sa gitna ng mga nagdaang pagbaha sa Luzon.