Oducado

PBBM pinapurihan ni Oducado dahil sa pagkakasama ng mga OFWs sa 4Ps program

Mar Rodriguez Aug 13, 2025
221 Views

PINAPURIHAN ni neophyte 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. matapos nitong ipag-utos na isama sa pinalawig na Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program (4Ps) ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sinabi ni Oducado na maituturing na isang “dream come true” para sa libo-libong OFWs ang magkaroon ng kanilang sariling tahanan sa tulong ng pamahalaan.

Ipinaliwanag ng baguhang kongresista na marami sa mga OFWs ang nahihirapang makapag-pundar ng kanilang sariling tahanan sapagkat ang kanilang kinikita ay halos napupunta lamang para tustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.

Dahil dito, binigyang diin ni Oducado na ang naging direktiba ni Pangulong Marcos, Jr. ay maituturing na isang tagumpay para sa hanay ng mga OFWs.

Ayon kay Oducado, ang lahat ng mga OFWs ay mabibigyan ng pagkakataon na magkaroon ng kanilang sariling tahanan anoman ang halaga ng kanilang sinasahod.

Ipinabatid din ng Party List solon na ibinigay na anunsiyo ng Pangulong Marcos, Jr. para sa mga OFWs ay inihayag naman ni Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD)Secretary Jose Ramon Aliling.

Muling ipinahayag ni Oducado na ang pagkakaroon ng sariling tahanan ang isang napakalaking pangarap ng bawat OFWs.

“1TAHANAN welcomes the inclusion of OFWs in the 4PH housing program of the government. One of the biggest dreams of OFWs is to buy their own homes. A place where they can enjoy the fruits of their sacrifices as they toiled away in faraway lands,” sabi ni Oducado.