Villanueva

Pagbabawal ng online gambling sa mga LGUs pinapurihan ni Bro. Eddie

Mar Rodriguez Aug 13, 2025
365 Views

PINAPURIHAN ni Citizen’s Battle Against Corruption (CIBAC) Party List Representative Eduardo “Bro. Eddie” C. Villanueva ang Department of Interior and Local Government (DILG) tungkol sa inilabas nitong memo upang ipagbawal ang online gambling sa mga Local Government Units (LGUs).

Ayon kay Bro. Eddie, ang DILG Memorandum Circular No. 2025-082 ay naglalayong i-ban sa mga LGUs ang operasyon ng online gambling kung saan pinagbabawalan din nito ang mga local executives o officials na masangkot sa nasabing sugal.

Dahil dito, sinabi ni Villanueva na ang nasabing kautusan mula sa DILG ay nagbibigay ng isang napakalakas na mensahe na ang mga public servants gaya ng LGUs ay kinakailangang mapanatili ang kanilang kredebilidad at integridad.

Muling binigyang diin ni Bro. Eddie na maraming buhay ang unti-unting winawasak ng online gambling dahil sa pagkagumon ng mga taong tumataya dito lalong-lalo na aniya ang mga kabataan na sa murang edad ay lulong na sa pagsusugal.

“This is a welcome move by the DILG as it sends a strong message that public servants must uphold the highest standards of integrity and moral responsibility. Gambling addiction particularly through online platforms,” wika ni Villanueva.

Ipinahayag din ng kongresista na ang mga government personnel lalo na ang mga nasa lokal na posisyon ay inaasahang magsisilbing role model para sa mga mamamayan kung saan ang kanilang pangunahing responsibilidad ay ang kanilang lugar.

Pagdidiin pa ni Villanueva na ang pagkakasangkot ng mga lokal na opisyal sa online gambling sa pamamagitan ng pagsisilbing protektor nito ang sisira sa prinsipyo ng public service sapagkat mawawalan umano ng tiwala ang publiko sa mga local officials.