Magsino

Ex-OFW party-list rep: Kampanya vs mapagsamantalang airport taxis gawin

Mar Rodriguez Aug 16, 2026
146 Views

IMINUMUNGKAHI ni dating OFW Party-list Rep. Marissa Magsino sa Land Transportation Office (LTO) na maglunsad ng kampanya para sugpuin ang mga mapagsamantalang airport taxis.

Nagpahayag ng kalungkutan si Magsino dahil sa pananamantala ng isang airport taxi sa pasahero na naniningil ng P2,000 mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) patungo sa hotel ng isang foreigner.

Panahon na para lansagin ang mistulang sistematikong modus ng overcharging ng ilang airport taxis sa kanilang napi-pick up na dayuhang pasahero ,kung saan maging ang mga balikbayang overseas Filipino worker (OFW) ay hindi pinaliligtas at tinatalo ng mga abusadong taxi drivers, aniya.

Sinabi ni Magsino na marahil ay inaakala ng mga mapagsamantalang airport taxi na mapera ang mga balikbayang OFW kung kaya pinagsasamantalahan nila ang mga ito.

“Ang nakakalungkot sa kuwentong ito, pati ang mga kababayan nating OFWs ay hindi pinaliligtas ng mga airport taxis na ito,” ani Magsino.

Nilinaw pa ni Magsino na ang perang kinikita ng mga OFW sa pagtatrabaho sa ibang bansa na malayo sa kanilang pamilya ay hindi bunga na pinipitas lamang sa puno dahil bawat sentimong kinikita ay galing sa dugo’t pawis.

Bunsod ng pangyayaring ito, nananawagan ang dating party-list lady solon kay LTO Usec. Markus Lacanilao na maglunsad ng total crackdown laban sa mga abusado at mapagsamantalang airport taxis.