Calendar
LegisHear ginanap sa Dumaguete City
INILUNSAD ng Kamara de Representantes noong Agosto 14 ang “LegisHear” sa Dumaguete City bilang bahagi ng consultation program para maisulong ang mas mabilis, dekalidad at inklusibong paggawa ng mga batas.
Ayon kay House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, layunin ng konsultasyon na hindi lamang pabilisin ang proseso ng paggawa ng batas kundi mapataas din ang kalidad nito sa pamamagitan ng maaga at makabuluhang pakikilahok ng mga mamamayang direktang maaapektuhan ng mga panukala.
Isinagawa ang LegisHear sa Negros Oriental State University (NORSU) habang patuloy na pinabibilis ng Kamara ang trabaho nito sa ikatlong linggo ng Second Regular Session ng 20th Congress.
Binigyang-diin ni Speaker Dy na hindi lamang bilis ang sukatan ng trabaho ng Kamara.
“Ang layunin po natin ay hindi lamang mapabilis ang proseso, kundi masiguro ring de-kalidad at maayos ang bawat batas na ating ipinapasa,” sabi ng House Speaker.
Kabilang sa mga hakbang ng Kamara ang pagpapalakas ng committee system, pagpapabuti ng koordinasyon sa Senado at Ehekutibo, at pagsasagawa ng konsultasyon sa mas maagang bahagi ng proseso ng paggawa ng batas.
Inilalapit ng Kamara ang mga konsultasyon sa iba-ibang rehiyon sa labas ng Metro Manila upang mabigyan ang mga Pilipino ng pagkakataong malaman ang mga panukalang batas, magtanong at direktang maibahagi ang kanilang karanasan at pananaw.
Ang Dumaguete ang unang destinasyon ng LegisHear sa Visayas. Nauna itong inilunsad sa Isabela State University sa Echague, Isabela noong Hulyo 31 at isinagawa naman ang Mindanao leg sa Caraga State University sa Butuan City noong Agosto 7.
Pinangunahan ang aktibidad ni Negros Oriental 2nd District Rep. Ma. Isabel “Maisa” L. Sagarbarria, vice chairperson ng House committees on appropriations at civil service and professional regulation.
Ayon kay Sagarbarria, binigyang-diin ni Speaker Dy sa pagbubukas ng second regular session na: “Congress will listen. Congress will learn. Congress will legislate.”
Kailangang marinig at maunawaan ang mga lokal na realidad upang makagawa ng mga batas na tunay na nagsisilbi sa pangangailangan ng mga Pilipino.
Tinalakay ni Atty. Rene A. Delorino, Director II ng House committee on ways and means, ang KALINGA Act na naglalayong magtatag ng mas sistematikong mekanismo ng pamahalaan para sa pagbibigay ng tulong sa mga Pilipino kapag may mataas na inflation, fuel at energy shocks, at iba pang economic disruptions.
Tinalakay ni Department of Health Negros Island Region Regional Director Dr. Razel Nikka Hao ang House Bill 7608 na naglalayong gawing 500-bed specialty service hospital ang Negros Oriental Provincial Hospital sa Dumaguete City at pangalanan itong Negros Oriental Regional Hospital.

