Yorme

Ex-Rep. Amado Bagatsing itinalaga ni Yorme bilang chairperson ng Committee on Reclamation

Edd Reyes Jun 3, 2026
46 Views

ITINALAGA ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso si dating 5th District Rep. Amado Bagatsing bilang chairperson ng Committee on Reclamation ng Pamahalaang Lungsod na binuo sa ilalim ng Executive Order No. 27, series of 2026.

Nilagdaan ng alkalde ang kautusan Miyerkules ng hapon, Hunyo 3, na nagtatatag sa komite upang mangasiwa sa implementasyon ng reclamation projects ng lungsod at matiyak na masusunod ang mga kinakailangang regulasyon, patakaran sa kapaligiran, at mga batas.

Mandato ng komite na nasa ilalim ng Office of the City Mayor na magsilbing pangunahing ahensya para sa lahat ng mga usaping may kinalaman sa reklamasyon at pagpapaunlad sa Maynila, makipagtulungan sa mga pribadong developers at kanilang mga joint-venture partners, at makipag-ugnayan sa Philippine Reclamation Authority (PRA) Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Bukod sa pagiging beteranong mambabatas, may malawak ding karanasan sa pabahay si Bagatsing dahil nagsilbi rin siya bilang vice chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at General Manager ng National Housing Authority (NHA).