OFW

Gobyerno hinimok magka-plano para seguridad ng OFW masiguro

190 Views

NANAWAGAN sina Sens. Raffy at Erwin Tulfo ng agarang pagkilos mula sa Department of Migrant Workers (DMW) at iba pang kaugnay na ahensya upang matiyak ang seguridad ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.

Sa isang pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers kamakailan lamang, inilahad ni Sen. Raffy Tulfo ang isang komprehensibong plano na naglalayong tugunan ang matagal nang suliranin ng mga OFW.

Dagdag pa rito, binigyang-diin ni Tulfo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga bilateral labor agreements na tanging kapaki-pakinabang lamang para sa mga Pilipino.

Ipinunto rin niya ang responsableng paggamit ng pondo ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), partikular sa mga panahon ng krisis o repatriation.

Nanawagan din si Tulfo na paigtingin ang kampanya laban sa human trafficking, pagbabantay sa mga backdoor exit points, at ang pagbibigay ng regular na medical checkups sa mga OFW. Hinimok niya ang pagsusuri sa kasalukuyang implementasyon ng DMW Act at ng Magna Carta of Seafarers, at ang pagpapatuloy ng paghuli sa mga ilegal na recruiter—lokal man o nasa ibang bansa.

Samantala, kinatigan ni Sen. Erwin Tulfo ang panawagan ng kanyang kapatid, at lalo niyang binigyang-linaw ang kalagayan ng mga marinong Pilipino. Ibinunyag niya ang dalawang seryosong insidente—ang una ay ang pagkakadawit ng 100 Filipino ship crew members na inakusahan nang walang due process; at ang ikalawa ay ang pagkakasangkot ng mga Pilipinong marino sa mapanganib na sitwasyon sa Red Sea at Gulf of Aden.

“That should be the priority of our government, the DMW, the OWWA, and MARINA, all these agencies should work together, so that similar incidents like this won’t happen again, as our chairman mentioned,” aniya.

Bukod dito, inihayag ni Erwin Tulfo ang kanyang suporta sa mga panukalang batas na naglalayong palawakin ang Legal Assistance Fund, tiyakin ang tamang paggamit ng pondo ng DMW at OWWA, at maglunsad ng mga libreng programang pampinansyal na edukasyon para sa mga OFW.

Sa kabuuan, binigyang-diin ng magkapatid na senador na ang tugon ng pamahalaan sa mga hamon ng mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa ay dapat maging mabilis, koordinado, at nakatuon sa makabuluhang reporma—upang mapangalagaan ang kanilang kaligtasan, dignidad, at karapatang pantao.