Magsino3

Gobyerno todo asikaso sa mga OFWs -Magsino

Mar Rodriguez Sep 27, 2025
182 Views

PARA sa dating Kinatawan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kamara de Representantes noong 19th Congress. Hindi naniniwala si dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino na pinababayaan ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang mga Pilipinong manggagawang migrante.

Ang pahayag ni Magsino ay ibinigay nito bilang depensa sa ipinukol na akusasyon laban sa gobyerno na pinababayaan umano nito ang mga OFWs na mayroong kinalaman sa “scam welfare check”.

Binigyang diin ng Party List Lady solon na kailannan ay hindi pinabayaan ni Pangulong Marcos, Jr. ang mga OFWs kasama na ang Filipino seafarers lalo na sa mga panahon na sila ay nahaharap sa isang masalimuot na sitwasyon ibayong dagat.

Ipinaliwanag ni Magsino kung tutuusin ay todo asikaso at pagtutok ang ginagawa ng pamahalaaan para lamang tiyakin na ligtas at nasa maayos na kalagayan ang mga OFWs sa bansang pinagta-trabahuhan nila partikular na noong mga panahong sumiklab ang matinding tensiyon sa Gitnang Silangan.

Sinang-ayunan din ni Magsino ang inilabas na pahayag ng Malakanyang na walang basehan ang mga nasabing paratang sapagkat ito ay taliwas sa record ng Department of Migrant Workers (DMW) kung saan malinaw na ginagampanan aniya ng ahensiya ang kanilang tungkulin sa pamamagitan ng pagtugon sa mga kahilingan ng tulong mula sa mga OFWs at kanilang pamilya.

Sinabi pa ng dating kongresista na may mga fully functional Migrant Workers Offices ang gobyerno sa iba’t-ibang bahagi ng bansa upang umalalay sa mga “distressed” OFWs at tiyakin na mabilis na matutugunan ng gobyerno ang kanilang mga pangangailangan.

Ayon pa kay Magsino, bilang dating Kinatawan ng mga OFWs, nasaksihan nito ang mabilis na pagtugon ng pamahalaang Marcos, Jr. sa pangangailangan ng mga OFWs sa pamamagitan ng “quick responce team” ng DMW na agad na nakikipag-ugnayan sa mga pulis at lokal na awtoridad sa ibang bansa sakaling mayroong emergency o rescue.