Calendar
Magsino binalaan mga OFWs vs mapanlinlang na lending companies sa FB pages

NAGBABALA si dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na maging maingat sa mga panggagantso ng ilang tiwaling lending companies na nag-aalok ng pautang na makikita sa FaceBook pages at websites.
Ang naging babala ni Magsino ay kasunod ay kasunod naman ng paalala ng Department of Migrant Workers (DMW) para sa mga OFWs na huwag basta-basta magpapaloko sa mga manggagantsong lending companies na naglipana sa FB pages o social media.
Dahil dito, sinabi ni Magsino na kailangang siguraduhin ng mga OFWs na ang mga lalapitan nilang lending companies ay rehistrado sa Securities and Exchange Commission (SEC) at awtorisado ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang naturang kompanya.
Ikinalulungkot naman ni Magsino na laging mga OFWs ang pinupuntirya ng mga sindikato sa pag-aakalang malaki ang kanilang kinikita sa ibang bansa gayong ang buong katotohanan ay sumasapat lamang ang kanilang kita para tustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya at mahal sa buhay.
Pagbibigay diin ng Party List Lady solon na hindi matatawag na “lucrative” o mayroong malaking ganansiya ang pagiging isang OFW sapagkat saktong-sakto lamang ang sahod ng isang Filipino Migrant worker para tulungan ang kaniyang pamilya dito sa Pilipinas.
Kasabay nito, pinangunahan ni Magsino ang pamamahagi ng wheelchair kay G. Mendoza Pelaez ng Malanday na kasalukuyang nakakaranas ng acute hemorrage stroke.
Nagpaabot naman ng taos pusong pasasalamat si Pelaez sa Department of Health (DOH) at OFW Party List Group dahil sa patuloy nitong pagtulong para sa kapamilya ng mga OFWs na nangangailangan ng kanilang tulong.

