Magsino

OFW Party List Group hihilingin sa BOC na tutukan paparating na balikbayan boxes

Mar Rodriguez Sep 23, 2025
307 Views

HINIHILING ng OFW Party List Group sa Bureau of Customs (BOC) na tutukan nilang mabuti ang mga paparating na balikbayan boxes na ipinapadala ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) para sa kanilang pamilya dito sa Pilipinas lalo na sa panahon ng holiday season.

Ayon kay dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino, nais lamang nitong tiyakin na makakarating at matatanggap ng pamilya ng mga OFWs ang mga ipinapadala bilang balikbayan boxes upang hindi na maulit pa ang insidente ng pagkawala at mishandling ng mga nasabing kahon habang naka-pending ang delivery ng mga ito.

Naninindigan si Magsino na napakahalagang mabantayan at matutukan ng BOC ang mga balikbayan boxes na dumarating sa Pilipinas bilang “precautionary” sapagkat kaawa-awa aniya ang mga OFWs na nagpapadala ng mga ito para sa kanilang pamilya at mahal sa buhay.

Pagbibigay diin ni Magsino na ang mga ipinapadalang balikbayan boxes ay katas ng sakripisyo at paghihirap ng mga OFWs at napalasakit para sa kanila na sinasalaula at winawalang bahala lamang ang mga ipinapadala nilang kahon para sa kanilang pamilya.

Sinabi pa ng dating kongresista na kahit noong 19th Congress ay nakatutok na ang OFW Party List Group sa usapin ng pagkawala ng mga balikbayan boxes kung saan hanggang ngayon ay ito parin ang kanilang prioridad at kabilang sa isinisulong nilang adbokasiya.

Kasabay nito, nakiisa si Magsino sa OB-Gyne Outreach Medical Mission para matulungan ang ating mga mahihirap na kababayan.