Calendar
OFW Party List Group nagpaalala sa mga OFWs kaugnay sa gaganaping Overseas Voters Registration
NAGPAALALA ang OFW Party List Group para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kaugnay sa gaganaping Overseas Voters Registration ng Commission on Elections (COMELEC) na nakatakda sa darating na Disyembre 1, 2025 hanggang Setyembre 30, 2027 bilang paghahanda para sa pagdaraos ng 2028 national at local elections.
Sinabi ni dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino (19th Congress) na hindi dapat palampasin ng mga OFWs ang pagkakataon upang gamitin ang kanilang karapatan sa pagpili ng mga karapat-dapat at mapagkakatiwalaang kandidato partikular na ang susunod na Pangulo ng ating bansa.
Ayon kay Magsino, ang panahon ng eleksiyon nasyunal man o lokal ay maituturing na isang sagrado at natatanging karapatan ng bawat mamamayang Pilipino para mamili ng kanilang napupusuang susunod na mamumuno sa ating bansa kaya napakahalaga na magkaroon dito ng partisipasyon ang mga OFWs.
Pagbibigay diin ng dating kongresista na kung tutuusin ay malaki at mahalagang papel ang ginagampanan ng mga OFWs sa panahon ng eleksiyon sapagkat sila ang bumubuhay sa ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng kanilang remittances at itinuturing bilang mga “Bagong Bayani” bunsod ng kanilang malaking kontribusyon.
Samantala, nagpahayag ng kagalakan si Magsino matapos ilunsad ng Department of Migrant Workers (DMW) ang bagong programa nito para sa isang mabilis na pangangamusta ng mga OFWs sa kanilang pamilya na nasa Pilipinas sa pamamagitan ng Kumusta Kabayan App na isang digital welfare monitoring system na naglalayong tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga OFWs saan man panig ng mundo sila naroroon.
Sabi ni Magsino na ang bagong programa ng DMW ay alinsunod sa naging direktiba ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para siguraduhin ang maayos na kondisyon at kapakanan ng mga OFWs na inilunsad hindi lamang ng DMW kundi katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Paliwanag pa ni Magsino na ang programa ay naglalayon din na direktang subaybayan ang kalagayan ng mga OFWs at maipadama sa kanila ang kanilang kahalagahan bilang mga “Bagong Bayani”.

