Cambodia

Mga Pinoy na nabuso sa Cambodia bumalik sa Pinas

Jun I Legaspi Sep 9, 2025
338 Views

SAMPUNG Pilipino na biktima ng human trafficking ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Setyembre 7 matapos ma-repatriate mula sa Cambodia.

Pinilit magtrabaho ang 10 Pinoy sa isang scam hub, ayon sa report.

Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng Bureau of Immigration (BI), dumating ang mga biktima mula sa Phnom Penh, Cambodia. Anim sa 10 ang nasa late-20s, tatlong nasa mid-30s at isang 65-anyos.

Ikinuwento ng mga biktima na walo sa kanila umalis bilang turista sa ilalim ng maling pagpapanggap, habang dalawa ay naglakbay bilang overseas workers ngunit naloko ng recruiter.

Pagdating sa Cambodia, kinumpiska ng kanilang employer ang kanilang mga pasaporte at pinilit silang magtrabaho bilang online scammers na sangkot sa mga romance at investment fraud schemes.

Ilan sa mga biktima ang nagsabing pinagmulta sila ng $6,000-$8,800 bilang parusa sa pagtanggi nilang makilahok sa scam operations.

Inilarawan nila ang malupit na kalagayan sa trabaho–kabilang ang pagto-torture sa kanila kapag hindi naabot ang daily quota, pagkakakulong sa compound at parusang pagtayo nang walang pahinga sa loob ng hanggang 15 oras.

“Nakakabahala na ang mga Pilipinong ito ay tumanggi sa pang-aabuso ngunit pinarusahan pa. Pinagmulta, pinahirapan, at ikinulong,” ani BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Matapos ang mga kinakailangang proseso sa immigration, ang mga biktima ay binigyan ng post-care services ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at inendorso sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) upang matulungan sa pagsasampa ng kaso laban sa kanilang mga recruiter.