Calendar
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayang at sibikong organisasyon: ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
Goitia: Food Delivery di lang isang pelikula
PARA kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, ang dokumentaryong “Food Delivery: Fresh from the West Philippine Sea” ay hindi lang basta pelikula. Isa itong salamin ng ating pakikibaka bilang mga Pilipino. Ipinapakita nito ang ating mga ama na pumapalaot sa dagat, mga inang nag-aabang ng pagkain sa hapag, at mga anak na umaasa sa kinabukasan ng bansang iiwan natin. Tungkol ito sa atin, sa buong sambayanang Pilipino. Kaya’t ito ang kinatatakutan ng Tsina.
Ipinaalala ni Goitia na malinaw na ang desisyon ng Hague Tribunal noong 2016: atin ang West Philippine Sea. Walang saysay ang “nine dash line.”
Kamakailan, mariing kinondena ni Defense Secretary Gilberto Teodoro ang patuloy na pananakot umano ng Tsina sa Ayungin Shoal. Nandoon ang kanilang coast guard, militia, at maging mabibigat na armas na lahat ay ginagamit para gipitin ang BRP Sierra Madre at ang ating mga sundalo.
“Ito ay paglabag sa international law,” mariing pahayag ni Secretary Teodoro.
Nakita pa ng mundo kung paano gumagamit ng water cannon, mapanganib na maneuvers, at banggaan ang mga barko ng Tsina laban sa atin. Sa kabila nito, nanindigan ang ating mga tropa at coast guard na ipagtanggol ang atin.
Ang lahat ng ito ay repleksyon ng ipinapakita sa Food Delivery. Hindi lang tapang ng ating mga mangingisda at sundalo ang makikita, kundi ang sakit at pangungulila ng kanilang pamilya. Mga ina at anak na naghihintay, nagdarasal, at umaasa. Ipinapakita nito na ang isyu ng West Philippine Sea ay hindi lang mapa at pulitika, kundi mga totoong tao na nawawalan ng kabuhayan at dangal.
Binigyang-diin din ni Secretary Teodoro na ang mga tsismis tungkol sa diumano’y “gentleman’s agreement” ay walang katotohanan. Wala at hindi kailanman magkakaroon ng kasunduan na isusuko natin ang ating karapatan. Ang mga ganitong usapan ay pawang propaganda lamang ng Tsina para lituhin at pahinain ang ating paninindigan.
Kaya’t mahalaga ang Food Delivery. Dahil binibigyan nito ng boses ang mga kadalasang pinatatahimik. Ginagawa nitong mukha at kuwento ang mga istatistika. “Ang ating mga mangingisda ay hindi numero lamang. Sila ay ating kapatid, kaibigan, at kapitbahay. Ang sakit nila ay sakit natin. Ang laban nila ay laban natin,” giit ni Goitia.
Nanawagan si Goitia sa bawat Pilipino na ituring ang pelikulang ito hindi bilang aliwan, kundi bilang paninindigan. “Kapag pinanood ninyo ang dokumentaryong ito, hindi lang kayo nanonood. Kayo ay kumakampi sa ating bayan. Kayo ay nagtatanggol ng ating soberanya. Kayo ay nagsasabing: ang Pilipinas ay hindi ipinagbibili, at ang ating karagatan ay hindi pwedeng angkinin.”
Sa huli, malinaw ang mensahe ni Goitia: “Ito ay higit pa sa pelikula. Ito ay sigaw para sa dignidad. Ito ay laban para sa katarungan.At ang katotohanan, kailanman, ay hindi matatalo. Ang West Philippine Sea ay atin.

