Hontiveros

Hontiveros sa DENR: Tukuyin aksyon sa landfills na may warning

197 Views

MAY nauna nang babala tungkol sa kapasidad ng Binaliw landfill bago ang nakamamatay na pagguho, pero wala pang maipakitang kumpletong national record ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga warning sa landfill at sa mga aksyong ginawa.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change, sinabi ng DENR na kailangan pa nitong kunin ang records mula sa mga regional office.

Sinabi ni acting DENR Secretary Juan Miguel Cuna na limang landfill ang natukoy matapos ang assessment na iniutos ng Environmental Management Bureau noong Enero.

Ayon kay Cuna, may posibleng panganib sa mga pasilidad, kabilang ang peligro ng sunog.

Hindi niya pinangalanan ang limang landfill. Sinabi niyang magsusumite ang DENR ng nakasulat na report sa komite.

Kinuwestiyon ni Senadora Risa Hontiveros kung bakit wala pang pinagsama-samang tala ang DENR sa mga naunang babala mula sa Commission on Audit, regional offices at iba pang tanggapan.

Binanggit niya ang isang 2023 COA performance audit na ayon sa kanya ay nagsabing nanganganib maubusan ng kapasidad ang Binaliw landfill dahil sa dami ng basurang itinatapon at kakulangan ng waste-diversion facilities.

“Hindi naman pala nagkulang sa babala tungkol sa Binaliw,” sinabi ni Hontiveros.

Tinanong niya kung ilang landfill sa Cebu at sa ibang bahagi ng bansa ang dati nang nabigyan ng warning bago inilabas ng EMB ang memorandum nito noong Enero.

Sinabi ni Cuna na nasa regional offices ang impormasyon at kailangan itong tipunin at isumite sa komite.

Hiniling din ni Hontiveros na ilahad ng DENR kung aling warnings ang naaksyunan at alin ang hindi.

“Lalabas na yung mga hindi inaksyunan ay pinabayaan na lang na nakatiwangwang yung mga warnings, whether ng COA or ng units or attached agencies mismo ng DENR, hanggang nangyayari na itong mga, o patuloy na nangyayari yung mga trahedya,” aniya.

Kinuwestiyon niya ang saysay ng inspections at compliance reports kung patuloy na pinatatakbo ang mga landfill kahit may nakita nang problema.

“Ano yung silbi, kahit ng mga inspections, compliance reports, kahit assessments kung nagpapatuloy ang mga operation na mga landfills na yun na under warnings na pala hanggang sa tuluyang gumuho yung mga landfills na iyan,” sinabi ni Hontiveros.

Sa Binaliw landfill sa Cebu, sinabi ni EMB Region 7 Director John Edward Ang na ang sunod-sunod na pagyanig, pagbaha na iniugnay sa Typhoon Tino at naipong tubig sa loob ng landfill ang pangunahing factors na unang nakita sa imbestigasyon.

Aniya, ipinakita ng leachate na lumabas matapos ang insidente na may naipong tubig sa loob ng pasilidad.

Tinanong ni Hontiveros kung may mga kondisyon din sa loob ng landfill na maaaring nagpahina rito, kabilang ang halo-halo o unsegregated waste.

Sinabi ni Ang na kasama ito sa assessment.

Gayunman, ulan, mga pagyanig at water buildup pa rin ang pangunahing factors na unang tinukoy ng investigating team.

Kinuwestiyon din ni Hontiveros ang lokasyon ng materials recovery facility o MRF kung saan naroon ang mga manggagawa nang bumigay ang bunton ng basura.

Sinabi ni Ang na nasa loob ng landfill compound ang MRF at nakapuwesto sa ibabang bahagi ng slope dahil itinuring na stable ang lugar nang ilagay doon ang pasilidad.

“Pero stable po ba talaga, hindi lang yung MRFs kundi yung landfill per se?” tanong ni Hontiveros.

Ayon kay Ang, ang MRF ang pangunahing tinamaan at maraming empleyado ng Prime Waste ang nagtatrabaho roon nang mangyari ang pagguho.

Sa Rizal provincial landfill, sinabi naman ni Henry Adornado ng DENR Region 4A na may nakitang paglabag sa operasyon, kabilang ang lapses sa active tipping area na may kaugnayan sa paggamit ng equipment.

Hindi sinabi ni Adornado na ang mga lapses ang sanhi ng pagguho.

Patuloy pa ang imbestigasyon.

Hiniling ni Hontiveros sa DENR na isumite ang mga assessment, tukuyin ang mga landfill na may warning, at ilahad kung alin ang naaksyunan at alin ang hindi.

Sinabi ni Cuna na pagsasama-samahin ng DENR ang regional records at isusumite ang mga ito sa komite.