Calendar
Ang suspek na inaresto at mga nasagip na anak niya ng NBI sa isinagawang entrapment sa Tarlac. JONJON C. REYES
Ina dinampot sa pag-alok sa 2 batang anak online para sa sex sa mga dayuhan

INARESTO ng National Bureau of Investigation–Violence Against Women and Children Division (NBI-VAWCD) ang isang ina dahil umano sa pag-aalok ng kanyang dalawang menor de edad na anak na babae online para sa sex sa mga dayuhan.
Ang pag-aresto ay nakabase sa referral na natanggap mula sa U.S. Department of Homeland Security Homeland Security Investigation (HSI) Manila noong Disyembre 1, 2025.
Base sa malawakang imbestigasyon, napatunayan na ginamit diumano ng suspek ang WhatsApp upang makipag-ugnayan sa mga dayuhang kliyente.
Noong Marso 5, 2026, nasaksihan ng isang ahente ng NBI-VAWCD, ang umano’y iligal na aktibidad ng suspek sa isang Zoom session.
Dahil dito ay nakakuha ang NBI ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data (WSSECD) laban sa suspek mula sa Regional Trial Court, Branch 113, Concepcion, Tarlac.
Naaresto ang suspek at nasagip ang kanyang mga anak sa isang entrapment operation na isinagawa ng NBI-VAWCD, sa tulong ng NBI-Digital Forensic and Laboratory Division (DFLD) at sa pakikipagtulungan sa HSI, noong Hulyo 14, 2025.
Binigyang-diin ni NBI Director Atty. Melvin Matibag na nananatiling matatag ang ahensya sa komitment nitong protektahan ang mga bata laban sa exploitation, partikular na sa digital na kapaligiran.
“Patuloy na lulubusin ng NBI ang pagtugis sa mga indibidwal na nag-eexploit sa mga bata at gumagamit ng teknolohiya upang mapadali ang mga krimeng ito. Sa pamamagitan ng intelligence-driven na imbestigasyon, kakayahang digital forensic, at malapit na kooperasyon sa ating mga kasosyong dayuhan sa pagpapatupad ng batas, patuloy nating tutukuyin ang mga salarin, sasagipin ang mga biktima, at pananagutin ang mga nagkasala sa ilalim ng batas,” ani Matibag.
Nakumpiska sa suspek ang dalawang mobile phone na diumano’y ginagamit niya sa iligal na aktibidad.
Ang mga nakuhang call logs at chat conversations sa mga numerong nakarehistro sa ibang bansa ay nagpatibay sa mga digital na ebidensyang nakalap noong imbestigasyon. Ligtas na nasagip ang dalawang menor de edad na biktima at itinalaga sa Municipal Social Welfare and Development Office para sa protective custody, medical examination, psychosocial intervention, at aftercare.
Isinampa ang mga kasong paglabag sa RA No. 11930 (Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act) at RA No. 9208, na inamyendahan ng Republic Acts Nos. 10364 at 11862 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act) laban sa suspek sa Provincial Prosecutor para sa inquest proceedings.

