Senate

House leaders ibinasura alegasyon ni Discaya

292 Views

MARIING itinanggi ng mga miyembro ng Kamara de Representantes na sina House Committee on Tourism Chairman Eleandro Jesus “Budoy” Madrona ng Romblon, Deputy Majority Leader PM Vargas ng Quezon City, at House Committee on Basic Education Chairman Roman Romulo ng Pasig City ang alegasyon ng mag-asawang kontratista na sina Pacifico “Curlee” Discaya at Cezarah “Sarah” Discaya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee na sila ay tumanggap ng kickback mula sa proyekto ng gobyerno.

“I strongly deny the statement of Discaya. To my recollection, wala akong project sa kanya, so anong basehan ng sinabi niyang pagbigay niya sa akin?,” ani Madrona.

Muling iginiit ni Madrona ang kanyang paninindigan para sa malinis at transparent na pamamahala, at sinabing walang basehan at walang katotohanan ang mga alegasyon.

Itinanggi naman ni Vargas ang pahayag ng mag-asawang Discaya na nag-uugnay sa kanya sa umano’y anomalya, at binigyang-diin na wala silang naging proyekto kailanman sa kanyang distrito.

“100% NOT TRUE. Ano kaya ang motibo nila? Walang project ang mga Discaya sa district natin kailanman. Zero. This is confirmed and certified,” ani Vargas.

Binigyang-diin pa ni Vargas na imposible para sa kanya na makinabang mula sa mag-asawa dahil wala namang proyekto ang mga ito sa kanyang distrito.

“I will file a case against them for this blatant lie. My track record speaks for itself,” dagdag pa ni Vargas.

Iginiit ni Vargas na ang pagsasangkot ng kanyang pangalan sa kontrobersiya ay walang basehan at may malisyosong layunin.

“Hindi pwedeng gawing panangga ang kasinungalingan. My district has always been transparent and accountable, and I stand by my clean record of service,” ani Vargas.

Tinawag naman ni Romulo na isang diversionary tactic ang mga testimonya ng mag-asawa.

“Even during my first term as a lawmaker, I did not interfere in the bidding process within our DPWH (Department of Public Works and Highways). That’s clear, in fact I didn’t know who won bids, I am even shocked to know who won in the bidding,” ani Romulo, na kabilang sa grupo ni Pasig City Mayor Vico Sotto na tumalo kay Sarah Discaya sa katatapos na eleksyon.

“What she said is not true, […] I have been asked if I will file a case, but out of my irritation over her actions, that she can just mention names, I am mulling whether or not I should file as I don’t want to dignify this person’s actions,” dagdag pa ni Romulo.