Tulfo

Tulfo sa ‘dummy’ contractor: Kumpirmahin ‘license-for-hire’ sa mga proyekto ng DPWH

416 Views

SA pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa umano’y iregular na mga flood control project, hinimok ni Senator Erwin Tulfo si Mark Allan Arevalo, general manager ng Wawao Builders, na kumpirmahin ang “contractor license-for-hire” na kinasasangkutan ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

“Kanina sinabi mong sapilitan na ginagamit ang inyong lisensya. Sino ang gumagamit ng inyong lisensya?” tanong ni Tulfo. Tugon ni Arevalo: “Your Honor, sapilitang ginamit po yung lisensya namin… sa takot po your honor na maapektuhan ang negosyo namin.”

Tinukoy niya si Sally Santos, may-ari ng SYMS Construction Trading, bilang gumagamit ng lisensya ng Wawao Builders sa paglahok sa bidding, at idinagdag: “Pagkakalam ko po kasi, Your Honor. Ang nasa likod po nito ay yung mga nasa loob…ng DPWH.”

Si Santos naman ay tumuro kay dating DPWH Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez ng Bulacan 1st District Engineering Office (DEO) bilang nagbibigay umano ng mga utos. Ayon kay Hernandez, sumusunod lamang siya sa kanyang “boss” sa Bulacan DEO, si dating District Engineer Henry Alcantara.

Sumuporta ang salaysay ni Arevalo sa naunang impormasyon ni Tulfo na may mga kontratistang nirere-renta ang kanilang lisensya at may kinasasangkutang tauhan ng DPWH. Ayon kay Tulfo: “They do not construct—they only have their licenses rented out… ‘in-house construction.’ The DPWH borrows or even buys the license of a contractor, then proceeds with the project. In some cases, they do not build at all.”

Sa pagtatanong, inamin ni Hernandez na tumanggap siya ng kahong may pera mula sa SYMS, na aniya’y kukunin ito ni Alcantara sa kanyang opisina. Kalaunan, hiniling ni Tulfo na ipa-contempt si Hernandez dahil umano sa pagsisinungaling nito tungkol sa madalas na pagpunta sa isang casino sa Parañaque City. “Can we just cite this individual Hernandez, in contempt, Mr. Chair? Kasi malinaw pa sa sikat ng araw, nagsi-sinungaling na,” wika niya.

Inaprubahan ni Committee Chairman Senador Rodante Marcoleta ang mosyon matapos makatanggap ng kumpirmasyon mula sa pamunuan ng casino na ilang beses naroroon si Hernandez sa naturang establisimyento.