Calendar
Housing project sa Aurora sinimulan ng gawin
NAG-groundbreaking ang proyektong pabahay ng National Housing Authority (NHA) sa Aurora, Isabela.
Matatagpuan sa Brgy. Ballesteros, ang Ballesteros Resettlement Project ay bubuuin ng 43 single-attached house and lot na magiging permanenteng tahanan ng mga Isabelino na naninirahan sa mga danger zones.
Sa direktiba ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinangunahan ni Region 2/CAR 2 Officer-in-Charge Engr. Rofelie Balagat ang aktibidad katuwang sina Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) RO2 director Marvin Fereran, Aurora Mayor Joseph Christian Uy, Vice Mayor Romeo Torio, at ibang mga opisyal ng lokal na pamahalaan.
Binigyang-diin ni Engr. Balagat ang kahalagahan ng seremonya bilang bahagi ng pangako ng NHA sa pagbibigay ng makataong pabahay at pagtatayo ng mga maunlad na komunidad.
“Ang okasyon pong ito ay nagpapatunay sa aming suporta at misyon upang maisakatuparan ang layunin ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program sa ilalim ng bisyon ng Bagong Pilipinas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na mabigyan ang ating mga kababayan ng disente, abot-kaya at ligtas na pabahay sa loob ng mga sustenableng komunidad,” sabi ni ni Engr. Balagat.
Ang bawat housing unit ay mayroong lot size na 98 sq. m. na may floor area na 26 sq. m. para sa mga regular units.
Samantala, ang mga itinalagang unit para sa mga Persons With Disabilities (PWD) ay magkakaroon ng mas pinalawak na sukat na aabot sa 30.4 sqm.
Bilang pagpapatunay sa liveability ng proyekto, sinigurado din ng NHA ang basic amenities tulad ng linya ng tubig at kuryente at nagplano rin ng pagtatayo ng mga community facilities sa pangunguna ng Aurora-LGU.

