HVI arestado sa ₱7.48-M shabu

748 Views

Arestado ang isang 33-anyos na hinihinalang High-Value Individual (HVI) matapos makumpiska sa isang buy-bust operation sa Dasmariñas City, Cavite ang tinatayang 1.1 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱7.48 milyon.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Pleng,” isang helper at residente ng San Jose del Monte, Bulacan. Ayon sa pulisya, hindi na rin ito unang pagkakaaresto dahil nasangkot na siya sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act noong 2021 at sa batas laban sa ilegal na pagsusugal noong 2024.

Isinagawa ang operasyon bandang alas-2:29 ng madaling araw noong Agosto 19 sa Barangay Paliparan 1, katuwang ang iba’t ibang police at law enforcement units sa Cavite at CALABARZON.

Nakuha mula sa suspek ang dalawang pakete na naglalaman umano ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 1,100 gramo.

Ayon kay PRO 4A Acting Regional Director PBGen Dominic L. Baccay, magpapatuloy ang koordinasyon ng pulisya sa iba pang law enforcement agencies upang matugunan ang ilegal na kalakalan ng droga.

“Patuloy na makikipagtulungan ang PRO 4A sa ating mga katuwang na law enforcement agencies upang maprotektahan ang ating mga komunidad, masawata ang ilegal na droga, at mapanagot ang mga sangkot dito. Sisikapin nating mapanatiling ligtas, payapa, at malaya sa banta ng ilegal na droga ang CALABARZON,” ani Baccay.

Nasa kustodiya na ng Dasmariñas Component City Police Station ang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa kanya.